Daughters of Saint Paul

MAYO 21, 2019 MARTES SA IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 14:27-31a

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minhal ninyo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama.

“Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang inaari sa akin, ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at kung anong iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.”

 

PAGNINILAY:

May kuwento tungkol sa isang Lola na naglalakad sa bakuran nang marinig niya ang apong babae na inuulit ang alpabeto sa tono ng boses na parang nagdarasal.  Tinanong niya kung ano ang ginagawa nito. Ipinaliwanag ng batang babae na nagdarasal siya, pero, hindi niya alam ang eksaktong tamang salita. Kaya, binibigkas na lang niya ang mga letra at ang Diyos na ang bahalang mag-ayos sa mga ito dahil alam ng Diyos kung ano ang kanyang iniisip. Buo ang tiwala ng bata sa pagmamahal at pag-unawa sa kanya ng Diyos.  May mga mahalagang pahayag si Jesus sa ebanghelyo ngayon:  Kapayapaan ang kanyang iniiwan kaya hindi dapat mabahala o matakot ang mga alagad at sa halip ay magalak dahil pabalik na siya sa ama.  Bukod dito, kailangang lubos silang magtiwala  na ang kanyang pag-alis ay hindi nangangahulugan ng paglayo kundi nang higit pang malalim na pakikiugnay sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng mga sakramento. Sa madaling salita, dahil sa handog niyang kapayapaan, ang mga sumusunod sa kanya ay   makadarama nang malalim na pagmamahal at pagpapahalaga sa kapwa at sa sarili; at higit pa, nang lubos na pakikiisa sa kalooban ng Ama. Panalangin:  O Jesus, punuin mo ng kapayapaan ang aming mga puso para patuloy kaming maging matatag at tigib ng pag-asa sa bawat araw sa kabila ng mga problema, hirap at sakit na aming nadarama, Amen. 

– Dr. Lilia Antonio, Ph.D.