Daughters of Saint Paul

MAYO 22, 2019 MIYERKULES SA IKA-5 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 15: 1-8

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. “Malinis na kayo dahil sa wikang bingkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobim at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”

 

PAGNINILAY:

May kuwento tungkol sa dalawang buriko na naglalakad sa Jerusalem. Sinabi ng buriko sa kanyang kasama, “Kahapon lang nang sakay ko si Jesus at ang mga tao’y nag-aawitan at nagbubunyi, at inihahagis ang kanilang mga damit para lakaran ko. Ngayon, ni hindi nila ako mapansin.” Sumagot ang kanyang kasama, “Ganyan talaga, kaibigan.  Wala kang kabuluhan kung wala si Jesus.”    Angkop ang kuwentong ito sa pahayag ni Jesus na “Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung mananatili sa akin at ako naman sa kanya, mamumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman.” Sinasabing ang “tunay na sanga” ay mahalagang sagisag sa Lumang Tipan dahil kumakatawan ito sa Israel bilang Liping Pinili na itinanim at inalagaan ni Yahweh.  Panalangin: O Jesus, tulutan mong maging lubos kaming matapat sa iyo ngayon at kailanman, Amen. – Dr. Lilia Antonio, Ph.D.