Daughters of Saint Paul

MAYO 23, 2019 HUWEBES SA IKA-5 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 15:9-11

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin n’yo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko tulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo.
 

PAGNINILAY:

Sinasabing minsan ay kumain sa isang restawran si Albert Einstein, ang isa sa pinakamahusay na siyentipikong nabuhay sa kasaysayan ng Agham.  Sa halip na magbigay ng tip sa weyter, iniabot niya ang kanyang teorya ng kaligayahan na nagsasabing “Ang isang payapa at simpleng pamumuhay ay magbibigay nang higit na kaligayahan kaysa sa pagtugis sa tagumpay na sa tuwina’y may dulot na kabalisahan.” Naibenta ang sinulat niyang ito ng mahigit sa isang milyong dolyar.   Winika ni Jesus sa mga huling pahayag niya tungkol sa pagmamahal, katapatan at tunay na paglilingkod na, ”Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak n’yo.” Maraming iba’t ibang tindi, kulay, lasa, at hipo ang kaligayahan. Ang mga salitang saya, galak, lugod, tuwa, ligaya, aliwat iba pang mga kahawig nito ay nagdudulot ng sari-saring positibong epekto sa ating puso at kaluluwa gaya ng panloob na kapayapaan at kasiyahan.    Panalangin: O Jesus, samahan mo kami upang laging mamuhay sa katotohanan para lubos na madama ang  ipinangangaral mong tunay na ligaya, Amen. – Dr. Lilia Antonio, Ph.D.