Daughters of Saint Paul

Mayo 25, 2017 HUWEBES sa Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay San Beda, pari at pantas ng Simbahan; San Gregorio VII, papa; Santa Maria Magdalena de Pazzi, dalaga

 

Gawa 18:1-8 – Slm 198 – Jn 16:16-20

Jn 16:16-20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita n'yo rin ako.”

            At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa:  “Ano ba itong sinasabi niya sa atin:  ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita rin n'yo ako’ at ‘Papunta ako sa Ama’?”  At sinabi nila:  “Ano ba itong sinasabi niyang ‘sandali’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.”

            Alam ni Jesus na na niloloob nilang tanungin at sinabi niya sa kanila:  “Itinatanong n'yo sa isa't isa ang ibig kong sabihin sa  ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako makikita, at sandali lamang at makikita n'yo ako.’

            Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy, ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan.”

PAGNINILAY

Parang isang larawan ng larong tagu-taguan ang narinig nating ebanghelyo, “sandali pa at hindi n’yo na ko makikita, at sandali pa at makikita n’yo rin ako…” Kaya nga hindi nakapagtataka ang kalituhan ng mga alagad ni Jesus nang panahong iyon at marami silang mga tanong kay Jesus, sabi pa nga nila, “ano nga ba itong sinasabi N’ya sa atin?” Mga kapatid, nauunawaan ng Diyos ang ating mga kahinaan.  Samantalang tayo naman, pawang kalituhan ang laman ng ating isipan. Gaya ng isang magulang na aalis, nagbibilin Siya sa kanyang mga iiwanan. Ganito rin ang larawan ng ating ebanghelyo. Sa kabila ng walang katiyakan kung ano ang mangyayari sa hinaharap, sa gitna ng mga kaguluhang ating nararanasan, patuloy tayong binibigyang katiyakan ng Diyos at Panginoong Jesus ng isang buhay na ganap at makabuluhan. Pero bakit sa kabila nito tila  napadadala tayo sa agos ng kasamaan at maling pagpapasya na taliwas sa itinuturo ng Diyos?  Ang dati-rati mabubuting asal na ating pinanghahawakan at ipinagmamalaki, tila binawalewala at ikinakahiya na ngayon.  Ang pagiging disenteng tao, may mabuting pag-uugali at paggalang sa kapwa, tila napapalitan na ng pagiging magaspang, palamura at panghuhusga sa kapwa?  Ano ang nangyari sa pagiging mabubuting Pilipino at Kristiyano natin?  Isang lahing dati-rati hinahangaan ng buong mundo dahil sa pagiging matatag sa pagharap sa pagsubok; masayahin sa kabila ng problema; at ang makasaysayang pagtamo natin ng kalayaan sa mapayapang paraan na walang dumadanak ng dugo? Bakit biglang nabago ang imahe ng isang mabuting Pilipinong Kristiyano, na ngayo’y tila uhaw sa dugo ng kapwang nagkamali, sa ngalan ng pagbabago?  Panginoon, saiyong paglisan, dalhin Mo po ang aming mga alalahanin, agam-agam at pagkalito sa mga kaganapan sa aming paligid.  Dagdagan Mo po ang aming pananampalataya nang maibalik namin ang paggalang sa buhay ng tao na pinananahanan ng Iyong Banal na Espiritu.  Amen.