Daughters of Saint Paul

MAYO 27, 2019 LUNES SA IKA-6 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 15:26 – 16:4a

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula.  “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang huwag kayong matisod at mahulog. Palalayasin nila kayo sa kanilang komunidad, at parating na ang oras na waring nag-aalay ng handog sa Diyos ang sinumang papatay sa inyo. At gagawin nila ito dahil hindi nila nakikilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinasabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras at matandaan ninyong sinabi ko ito sa inyo.”

 

PAGNINILAY:

Sa misa para sa pagbubukas ng Taon ng Kabataan (2019), winika ni Kardinal Tagle: “Humanap kayo ng lakas kay Jesus at kayoý magiging payapa, mababang-loob at may tiwala. Hindi ninyo kailangang magmayabang dahil kasama ninyo ang pinakamakapangyarihan.”   Sinabi ni Jesus sa ebanghelyo, “Kapag dumating ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin.” May pitong kaloob ang Espiritu Santo para sa atin na binubuo ng karunungan wisdom), pagkaunawa (understanding), kabatiran/kaalaman (knowledge), pagpapayo (good counsel); katapangan/katatagan (courage/fortitude), kabanalan (piety) at banal na pagkatakot sa Diyos o holy fear of God.  May paliwanag kung bakit kailangang isugo ang Espiritu Santo: 1.  Magkaloob ng bagong buhay sa mga naniniwala kay Jesus; 2. Magbigay ng karunungan sa mga alagad para lubos na maunawaan at maibahagi sa iba ang mga aral at turo ni Jesus; 3. Pagbuklurin ang mga sumasampalataya at maging isang Bayan ng Diyos; at 4. Gabay ng Simbahan hanggang sa wakas ng panahon. Panalangin: O Jesus, loobin mong mamuhay kami ayon sa patnubay ng Espiritu Santo para malupig ang aming mga kahinaan at maging tapat na saksi mo hanggang sa buhay na walang hanggan, Amen.

–  Dr. Lilia Antonio, Ph.D.