Daughters of Saint Paul

MAYO 28, 2019 MARTES SA IKA-6 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 16:5-11

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako pupunta kundi tigib ng lungkot ang inyong puso sa pagsasabi ko nito sa inyo. “Ngunit sinasabi ko ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis, hindi makararating ang Tagapagtangggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo at pagdating niya, hihyain niya ang mundo sa paglalantad sa kasalanan sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. “Ito ang kasalanan: hindi sila naniniwala sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, samantalang hindi n’yo na ako makikita. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.”

 

PAGNINILAY:

May sinulat si Frank Mihalic na magandang pagnilayan tungkol sa kamatayan bilang batas ng buhay. Sabi niya, “Araw-araw, marami tayong makikitang halimbawa kung paanong nagbibigay-buhay ang kamatayan. Isang butil ng mais ang ibinabaon para lumaki itong halaman, Natutunaw ang yelo at lumalamig ang tubig. Namamatay ang posporo at nagsisindi ang kahoy. Nagiging marumi ang tubig para ka luminis. Nauubos ang baterya habang binibigyan ka ng musika at liwanag. Nasusunog ang kahoy para lutuin ang iyong pagkain. Tinataga ang puno para magkaroon  ka ng bahay. Namamatay ang mga hayop at halaman para mabigyan ka ng pagkain. Sa pagkamatay, lahat ay nalalagay sa mas mataas na antas ng buhay. Ito ang kahulugan ng pagdurusa sa mga Kristiyano.”  Malapit na ang kamatayan, muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit ni Jesus kaya’t talagang pukpukan na ang paghahanda niya sa kanyang mga alagad. Gusto niyang matiyak sa kanila na ang kanyang pag-alis ay hindi ang wakas kundi ang simula ng isang bagong buhay sa gabay at patnubay ng Espiritu Santo. Kaya, walang dahilan para matakot at malungkot. Panalangin: O Jesus, palayain mo kami sa  aming mga pagkatakot para lubos na magampanan ang mga iniaatas mo sa amin, Amen.  

– Dr. Lilia Antonio, Ph.D.