Daughters of Saint Paul

MAYO 29, 2019 MIYERKULES SA IKA-6 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 16:12-15

Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan. Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’ 

 

PAGNINILAY:

May kuwento ang pari tungkol sa isang matandang babae na nagpupunta sa simbahan araw-araw. Natawag ang pansin ng isang batang lalaki at sinundan siya. Nagtago ang bata sa likod ng altar para marinig ang malakas na pagdarasal ng matandang babae nang: “O Diyos ko, matanda na ako at handa nang kunin mo kahit kailan mo gusto.” Tatlong sunud-sunod na araw na narinig ito ng bata, kaya, sa ikaapat na araw, sa malalim na tinig ay isinigaw niya: “Narinig ko ang iyong dasal. Bukas, babalik ako at kukunin ka ng alas nuwebe ng umaga.” Umuwi ang matandang babae at hindi nakatulog kahit isang pikit dahil sa kanyang narinig. Sa madaling salita, hindi niya pinaniniwalaan ang kanyang dinarasal.  Sa ebanghelyo, ipinahayag ni Jesus, “Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.” Sinasabing isang biyaya ang pagkakamit ng katotohanan kaya mahalaga na ang bawat isa sa atin ay magkaroon ng kababaang-loob na magpaakay, magpagabay at magpaturo sa Banal na Espiritu.  Panalangin:  O Jesus, loobin mong maging instrumento ako ng katotohanan sa mga taong bahagi ng aking pang-araw-araw na buhay, Amen.  –  Dr. Lilia Antonio, Ph.D.