Daughters of Saint Paul

MAYO 30, 2019 HUWEBES SA IKA-6 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 16:16-20

“Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.” At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako’ at ‘Papunta ako sa Ama’?” At sinabi nila: “Ano ba itong sinasabi niyang ‘sandali’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.” Naintindihan ni Jesus na gusto nila siyang tanungin kaya sinabi niya sa kanila: “Nagtatanungan kayo tungkol dito dahil sinabi kong ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.’ Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.

 

PAGNINILAY:

May isang pahayag sa social media, “Kapag ako’y mag-isa, ang Diyos ang taga-aliw. Kapag ako’y wala, ang Diyos ang lahat sa akin. Kapag ako’y malungkot, ang Diyos ang aking awit at ligaya.  Kapag ako’y mahina at walang magawa, ang Diyos ang aking lakas. May mahihiling pa ba akong iba? Wala na.”  Winika ni Jesus, “Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan.” Ipinahihiwatig dito ni Jesus na ang lahat ng bagay sa mundo ay temporaryo. Tulad sa isang gulong, ang bawat karanasan ay nagsasalit-salit lamang. Kaya, kung makaranas man ng pighati ang mga alagad sa pagtupad sa kanyang mga utos, tiyak na may naghihintay na luwalhati sa kabilang buhay. Pero, may ilang mahalagang payo para maging lubos ang ating pagdanas sa maikling buhay dito sa lupa: 1. Sikaping mahalin ang lahat ng taong makakatagpo natin – hindi natin alam kung hanggang kailan natin sila makakasama, kaya bigay-todo na sa pagbibigay-halaga sa kanila; 2. Isulit ang bawat sandali sa mabubuting bagay na maaari nating magawa para sa Diyos, sa sarili at sa kapwa.  Panalangin: O Jesus, lagi mo kaming samahan dahil ikaw ang simula at wakas ng aming buhay, Amen.  

– Dr. Lilia Antonio, Ph.D.