BAGONG UMAGA
Mabiyayang araw ng Huwebes mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labing-anim, talata labing-anim hanggang dalawampu.
Ebanghelyo: Jn 16:16–20
Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.”
At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako’ at ‘Papunta ako sa Ama’?” At sinabi nila: “Ano ba itong sinasabi niyang ‘sandali’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.” Naintindihan ni Jesus na gusto nila siyang tanungin kaya sinabi niya sa kanila: “Nagtatanungan kayo tungkol dito dahil sinabi kong ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.’ Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.
Pagninilay:
Sandali lang po! Madalas ito ang sagot kapag may inuutos si Mamang o si Papang sa aming magkakapatid. Kahit na may mga toka na kami sa mga gawaing bahay at alam naman na walang ibang gagawa ng naka-atas sa amin, laging “Sandali lang” ang sagot kapag ipinaalala yon. Minsan, tatlong beses nang sinabi na maghugas na ng pinagkanan, at naka-tatlong sandali lang na sagot. Nagalit na ang Papang: “Ano, tatakpan ko na lang ba ng banig ang lamesa? At dito na rin tayo kakain bukas?” Saka pa lang nagkumaripas at nagtulung-tulong kami sa pagliligpit. Sa Mabuting Balita ngayon, walong beses inulit ang sandali na lang. Sa Griego po, ito ay micron, pero dalawang sandali ang tinutukoy ni Jesus: “Sandali pa at hindi nyo na ako makikita, at sandali pa at makikita nyo rin ako.” Una, sandali na lang at magdurusa na at mamamatay si Kristo sa Krus – kaya’t hindi na siya makikita ng mga alagad. Ang ikalawang sandali na lang ay ang kanyang pagkabuhay na mag-uli, ang pagtatagumpay niya laban sa kasalanan at kamatayan. Sinabi niya ito sa kanila para maging handa sila sa mga paghihirap ni Jesus na masasaksihan nila, at nang hindi sila mawalan ng pag-asa. Magbubunyi at magagalak ang mga nagpapatay sa Kanya at mapupuno ng pighati ang kanyang mga alagad. Pero pagkatapos ng tatlong araw, sila ang magdiriwang kay Kristong muling nabuhay. Kapatid/ kapanalig, sandali lang ang mga paghihirap na pinagdaraanan natin dito sa lupa. Sabi nga ni San Pablo sa mga taga-Roma: “Ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw.” Kaya’t tibayan natin ang ating loob, at huwag tayong padaig sa kawalan ng pag-asa.