Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 1, 2019 – BIYERNES | DAKILANG KAPISTAHAN NG MGA BANAL

EBANGHELYO: MATEO 5:1-12

Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang Mga Propetang nauna sa inyo.”

PAGNINILAY:

Sa pagdiriwang natin ngayon ng All Saints Dayo Araw ng mga Banal, napakagandang pagnilayan kung bakit sila hinirang na banal ng ating Inang Simbahan.  Hindi dahil sa sila’y perpekto na sa simula’t simula pa.  Ang totoo marami sa kanila ang makasalanan katulad natin.  Pero sa tulong ng Panginoon, pinagkalooban sila ng biyayang magbago.  Nakipagtulungan sila sa grasya ng Diyos na baguhin ang kanilang buhay. At noong binago na ng Diyos ang kanilang buhay, marami sa kanila ang naging saksi ng pananampalataya at naging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.  Ang Panginoong Jesus ang naging huwaran nila sa pamumuhay sa kabanalan. Mga kapanalig, alalahanin natin na ang pagiging banal hindi nangangahulugan na di ka na nadadapa at nagkakasala.  Kundi ang kakayahan nating bumangon at magsimulang muli sa tuwing tayo’y nadadapa at nagkakasala.  Sa Ebanghelyo ngayon, nagbigay ang Panginoon ng konkretong paraan, kung paanong mamuhay sa kabanalan. Sikapin nating gawing panuntunan sa buhay ang mapapalad.  Tunay na mapapalad tayo kung di tayo nawawalan ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, kung nagagawa nating ngumiti sa kabila ng pighati, kung nanatili tayong matapat sa pananampalataya sa kabila ng mga pag-uusig na ating nararanasan – dahil buhay na walang hanggan ang naghihintay sa atin pagkatapos ng maikling buhay natin dito sa mundo.  Sa tulong panalangin ng mga banal, na ngayon kapiling na ng Diyos sa Langit, hilingin natin ang katatagan ng loob na mapanindigan ang ating pananampalataya hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng ating buhay. – Sr. Lines Salazar, fsp

PANALANGIN:

Panginoon, matanto ko nawa na ang mga banal ay hindi lamang ang mga Santo na pormal na hinirang ng Simbahan, at pinararangalan namin ngayon.  Kundi lahat ng mga taong namuhay sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa habang sila’y nabubuhay. Nababatid ng Diyos ang kanilang kabutihan, at nasusulat sa langit ang kanilang pangalan.  Sikapin ko nawang mamuhay sa kabanalan dito sa lupa, para nang sa Langit, Amen.