Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 12, 2022 | SABADO SA IKA -32 LINGGO NG TAON

Batid ng Diyos ang nilalaman ng ating puso bago pa man natin ito sabihin sa Kanya? Maligayang araw mga kapanalig!  Purihin ang Diyos nating Mapagkalinga at Mapagmahal!    Ito po muli ang inyong lingkod, Sr. Amelyne Paglinawan/ ng Daughters of St. Paul! Ihanda natin ang ating puso at diwa sa Salitang magpapanibago ng ating pananaw at magpapalalim ng ating pananalig sa Diyos  sa pangako ng  Mabuting Balita ngayon .

EBANGHELYO: Lc 18:1-8

“Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob”—ito ang sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.’” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di matuwid na hukom. Hindi ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

PAGNINILAY

May tanong po ako “Hindi ba nalilito ang Diyos, kapag sabay-sabay nagdadasal ang mga tao at paiba-iba yung kanilang kahilingan? Lahat ba tayo ay naririnig nya?” Ito ang pambungad na tanong ng isang bata sa kanyang lola, sa pelikulang Tanging Yaman. At ang sagot ng lola ay malalim: “Kahit ang hindi binibigkas ng ating bibig at ang mga lihim na dinadaing ng ating puso ay nadidinig ng Diyos.” Lahat tayo ay may dinadasal at dinudulog sa Panginoon araw-araw. May iba’t ibang kadahilanan, at may iba’t ibang pamamaraan. Malinaw sa ebanghelyo ang kasagutan ng Diyos. Na katulad ng byuda sa talinhaga, dapat ay huwag tayong tumigil manalangin at huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Na ang pagpupursigi ang naging sagot ng kanyang mga ninanais. Sa madaling salita, nakulitan ang hukom sa walang tigil na pagsusumamo ng byuda. Malinaw na ang hukom ay masama. Hindi nya pinagbibigyan ang byuda dahil sa kabutihan, ngunit dahil sa pagpupumilit nito. Kung ang masamang hukom ay mapagbigay, paano pa kaya ang Diyos? Kung ang mga masasama at makasalanan ay kayang gumawa ng mabuti, paano pa kaya ang Diyos? Kilalang-kilala tayo ng Diyos, at alam nya ang ating mga kailangan bago pa natin hingin. Kung tayo lamang ay taos-pusong mananalangin, lahat ay may kasagutan. At kung mahal natin ang Diyos, maiintindihan natin ang kanyang sagot. Hinding hindi nya tayo iiwan, kahit tayo ay naliligaw. Kaya huwag nating naising mawalay sa Panginoon, sapagkat hinding-hindi nya tayo bibitawan kahit tayo pa ang pumilit na bumitaw.