Daughters of Saint Paul

Nobyembre 2, 2017 Huwebes / Paggunita sa Lahat ng Mga Pumanaw na Kristiyano

MATEO 25:31-46

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao.  Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya:  “Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauuhaw ako at inyong pinainom. Nang may sakit ako,  binisita n'yo ako.  Nang ako'y nasa bilangguan, dinalaw n'yo ako.”

At itatanong sa kanya ng mabubuti;  “Panginoon,  kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?”  Sasagutin sila ng Hari:  ''Talagang sinasabi  ko sa inyo:  anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko,  sa akin ninyo ginawa.”

Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya:  “Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko. Sapagkat nagutom ako, maysakit at nasa bilangguan at di n'yo binisita.”      Kaya itatanong din nila:  “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at di namin pinaglingkuran?”  Sasagutin sila ng Hari:  “Talagang sinasabi ko sa inyo:  anuman ang di n'yo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi n'yo ginawa sa akin. At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”

PAGNINILAY

Tatlong bagay ang ipinapaalala sa atin ng pagdiriwang ngayon.  Una, ang pagkilala sa kapangyarihan ni Jesus sa buong sangnilikha.  Ikalawa, ang katotohanan na may langit at impiyerno, at may gantimpala at kaparusahan ang lahat ng ginagawa natin sa mundo, mabuti man o masama; ikatlo, minsan lang tayo daraan sa mundong ito. At panghuli, alam natin na taglay ni Jesus ang katarungan sa paghuhukom.  Gayunpaman, magtiwala pa rin tayo na mas malaki pa rin ang Kanyang awa at pagmamahal.  Dahil dito kaya lumalapit tayo sa Kanya upang ipanalangin ang mga mahal nating yumao.   Mga kapatid, hindi ang mundong ito ang tunay nating tahanan.  Ang Langit ang tunay nating tahanan na nakalaan para sa lahat ng nabubuhay sa pag-ibig at paglilingkod sa kapwa. Harinawang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang maging alituntunin natin, sa araw-araw na pag-iral sa mundo.