Daughters of Saint Paul

Nobyembre 3, 2017 Biyernes sa Ika-30 Linggo ng Taon / San Martin de Porres, relihiyoso

LUCAS 14:1-6

Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. Nasa harap niya roon ang isang taong minamanas kaya nagtanong si Jesus sa mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Puwede bang magpagaling sa Araw ng Pahinga o hindi?” Hindi sila umimik kaya hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang anak o ang baka ng isa sa inyo, di ba’t agad niya itong iniaahon kahit na Araw ng Pahinga?” At hindi nila siya nasagot.

PAGNINILAY

Ang pagkakawanggawa ang isa sa maaaring magawa ng isang tao sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay.  Ito’y isang marangal na gawain na kinagigiliwan ng sinumang naaabutan natin ng tulong.  Kailangan lamang nating ibaling ang paningin sa ating paligid, at makikita nating napakaraming tao pala ang nangangailangan ng tulong.  Sila ang mga taong naghihintay na makita ang mukha ng Panginoong Jesus sa pamamagitan natin.  Dahil tayo sa ngayon ang mga kamay at paa ng Panginoon na inatasan Niyang kumalinga sa kapwang naghihirap.  Katulad sa ginawang pagpapagaling ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon.  Hindi Siya nagdalawang-isip na pagalingin ang taong minamanas kahit ang kapalit nito, pagtuligsa ng mga Pariseo, dahil nagpagaling Siya sa Araw ng Pahinga.  Patunay ito na walang anumang balakid ang hahadlang sa sinumang nagnanais na gumawa ng mabuti.  Mga kapatid, ang pagkakawanggawa pagbabahagi ng ating sarili sa iba – pagbibigay ng ating oras, kakayahan at tulong pinansyal sa mga taong nangangailangan. Sa kabutihang-loob na ating ipinamamahagi sa iba, ipinadarama natin sa kanila ang presensya ng Diyos.  Sa pagtulong natin sa kapwa, nagiging buhay na saksi tayo sa kanila na tunay ngang may Diyos at nananahan Siya sa ating piling. Tayong mga kumakalinga sa mga kapatid nating kapuspalad, sa maliit at malaking paraan man, ang mga anghel ng Diyos dito sa lupa.  Hindi lang ang mga taong ating tinutulungan ang nabibiyayaan ng ating pagkakawanggawa, kundi tayo din. Dahil ang Diyos na nakakikita sa mabubuti nating gawa ang Siyang gagantimpala sa atin. At higit sa lahat napupunuan nito ang ating mga kasalanan at pagkukulang sa Diyos at sa kapwa, dahil ayon nga sa unang sulat ni San Pedro, “Love covers a multitude of sins.”  Panginoon, buksan Mo po ang aking mga mata, na makita ang paghihirap ng aking kapwa, at ang aking mga kamay na tumulong sa abot ng aking makakaya.  Amen.