Daughters of Saint Paul

Nobyembre 4, 2017 Sabado sa Ika-30 Linggo ng Taon / San Carlos Borromeo, Obispo (Paggunita)

LUCAS 14:1, 7-11

Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. May talinghaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa sa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”

PAGNINILAY:

Ang Ebanghelyong narinig natin hindi tungkol sa tamang pagkilos sa mga handaan o table manners, sa halip, patungkol ito sa kababaang-loob.  Sa ating pakikitungo sa Panginoon, maging sa ating pakikitungo sa kapwa, inaanyayahan tayong pairalin natin lagi ang kababaang-loob.  Laging kilalanin ang Diyos bilang bukal ng ating buhay, at ng lahat ng mga biyaya at pagpapalang tinatamasa natin…  At laging kilalanin ang kapwa, bilang kapatid natin kay Kristo, at kamanlalakbay natin sa pagtahak sa landas pabalik sa Diyos Ama.  Kapag mulat tayo sa katotohanang ito, hindi natin magawang magmayabang sa Diyos o sa ating kapwa, anumang tagumpay ang narating natin. Dahil sa totoo lang, wala naman tayong pag-aari na hindi galing sa kagandahang loob ng Diyos.  Lahat biyayang galing sa Diyos, at lahat babalik sa Diyos sa panahong Kanyang itinakda. Hindi rin tayo nakalalamang sa ating kapwa, anuman ang estado natin sa buhay – mahirap man tayo o mayaman, nakapag-aral o hindi.  Dahil sa katapusan ng ating buhay, sa oras na makikipagharap tayo sa Diyos, balewala lahat nang ito. Ika nga sa tula ni Francis Duggan, “Death is the greatest equalizer.” Walang saysay kung anuman ang naipon at narating natin sa buhay, dahil susulitin at huhusgahan tayo ng Diyos sa aspeto ng pagmamahal.  Gaano ba tayo nagmahal sa ating kapwa?  Mahirap itong ipaunawa sa kasalukuyang mundo, na masyadong materialistic at consumeristic. Lalo na sa mga taong masyadong bilib sa sarili, at isinasantabi na ang Diyos sa kanilang buhay o namumuhay na parang walang Diyos. Lahat ng tagumpay tinitingnan bilang bunga ng sariling pagsisikap, at hindi biyayang nanggagaling sa Diyos.  Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong naisantabi ko kayo sa aking buhay.  Pagkalooban Mo po ako ng pusong mababang-loob at laging mapagpasalamat.  Amen.