Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 22, 2019 – BIYERNES SA IKA-33 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 19:45-48

Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat, ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.

PAGNINILAY:

Napapanahon ang mensahe ng Ebanghelyong ating narinig, igalang natin ang Templo ng Panginoon, bilang bahay dalanginan.  Pansinin natin sa tuwing tayo’y nagsisimba. Tila maraming tao na ang nawawalan ng paggalang sa templo. Dahil sa kung anu-anong ginagawa sa loob at labas ng simbahan na wala namang kinalaman sa pagsamba sa Diyos.  Katulad ng pagtitinda ng mga damit, kakanin, laruan, halaman at kung anu-anong dahon at ugat na gamot daw sa sari-saring sakit.  May mga masasamang tao din na nagsasamantala sa gamit ng mga taong taimtim na nagdarasal; may mga taong abala sa pagtetext habang nagsisimba; may mga magkasintahan na ginagawang dating placeang simbahan; may mga manang na malakas na nagtsitsismisan sa loob ng Simbahan bago mag Misa, meron din namang nagmamasid lang, para mamintas at kung anu-ano pa.  Siguro, kung nandirito ang Panginoong Jesus ngayon, malamang ipagtatabuyan Niya rin ang mga taong ito, na hindi gumagalang sa bahay ng Kanyang Ama. Mga kapanalig, tinatawagan tayo ng Ebanghelyo ngayon na igalang natin ang tahanan ng Diyos.  Ang paggalang makikita sa wastong pananamit natin kapag tayo’y nagsisimba; sa ating pagnanais na makasalo sa buong sambayanan ng Diyos sa pagpupuri at pasasalamat; sa taimtim nating pakikinig sa Salita ng Diyos at sa aktibong pakikilahok sa Banal na Misa sa pamamagitan ng pag-awit at pagtugon sa bahagi ng Misa.  Bukod sa templo na tumutukoy sa gusali kung saan tayo nagdarasal at nagsisimba, may isa pang mas malalim na kahulugan ang templo – ang templo ng ating katawan. Ayon nga sa sulat ni San Pablo sa mga taga-corinto, “Ang katawan natin ay templo ng Banal na Espiritu na tinanggap natin mula sa Diyos, kaya di na natin pag-aari ang ating katawan dahil binili na ito ng Diyos sa mahal na halaga.  Kaya luwalhatiin natin ang Diyos sa ating katawan.”  Paano ba natin iginagalang ang ating katawan bilang Templo ng Banal na Espiritu?  Iniiwas ba natin ito sa kahalayan at makamundong pagnanasa ng laman na dudungis sa ating espiritu?  Inilalayo ba natin ito sa mga bisyo na magdudulot sa atin ng sakit?  Pinapanatili ba natin itong malusog di lang nang pagkaing nakabubusog sa ating lupang katawan kundi ng pagkaing pangkukuluwa?  Suriin natin ang ating sarili. – Sr. Lines Salazar, fsp