EBANGHELYO: Lk 12:39-48
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana n’ya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin ba o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwaan ng panginoon sa kanyang tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan s’ya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain s’ya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang aking panginoon.’ At simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di inaasahan at sa oras na di n’ya nalalaman. Palalayasin n’ya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban n’ya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban n’ya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul. Makikilala ang tunay na responsableng tao kung ginagampanan niya ang kanyang tungkulin kahit walang nakabantay at nakamasid. Ito ang kasabihang sinikap kong isabuhay kahit noong bata pa ako. Second year high school ako noon nang inatasan ako ng aming class adviser na maging tagasara ng aming classroom. Ibig sabihin, makakauwi lamang ako pakatapos maglinis ng cleaners of the day. Para mapabilis kaming makauwi, araw-araw akong tumutulong maglinis kahit di naman yon kasama sa utos ni Sir. Natuklasan ito ni Sir makalipas ang ilang buwan, kaya nilinaw nya sa akin na hindi nya ako inu-obligang maglinis araw-araw. Pero napansin kong natuwa si Sir sa kanyang natuklasan, dahil mas naging mabait sya at lalo nya akong pinagkatiwalaan. Tunay nga ang sinabi ni Jesus sa ating Mabuting Balita ngayon mga kapanalig.