Daughters of Saint Paul

OCTOBER 22, 2020 – HUWEBES SA IKA-29 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 12:49-53

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Pagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Rev. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Naghahangad ka ba ng kapayapaan sa mundo? Sa paanong paraan mo ba ito gustong makamit?//  Sa ebanghelyo ngayon, itinuturo sa atin ni Hesus na hindi kapayapaan ang kanyang handog kundi pagkahiwa-hiwalay. Pagkahiwa-hiwalay dahil hindi maaaring makompromiso ang pananalig kay Hesus ng mga makamundong pag-iisip at pag-uugali. Kung para tayo kay Kristo, si Kristo lamang dapat ang maging laman ng ating puso at isipan anuman ang mangyari. Kung tunay ang pananalig natin kay Hesus kailangan nating ihiwalay ang ating sarili sa kasalanan. Kung para tayo kay Kristo, hindi tayo makikiisa sa pagpapalaganap ng fake news. Kung para tayo kay Kristo, hindi tayo nakikitawa kung may pagmumura at paninira sa dignidad ng isang tao. Kung para tayo kay Kristo, hindi tayo makikisigaw na ibalik ang kultura ng kamatayan. Kung para tayo kay Kristo, tatalikuran natin ang pagnanakaw. Kung magagawa nating ihiwalay ang ating sarili sa mga masasamang pag-uugaling tulad nito, darating ang araw na makararanas tayo ng pakikiisa sa Diyos; at kung nakikiisa tayo sa Diyos, mamumutawi sa atin ang tunay na kapayapaan. Palagi nating tandaan na nagmumula ang tunay na kapayapaan sa ating pagtanggap sa mga turo ni Hesus sa kabila ng pagsalungat sa atin ng mga tao. Kamumuhian man tayo ng ating pamilya at malalapit na kaibigan dahil sa ating pagtupad sa kalooban ng Diyos, nakatitiyak naman tayo na nakikiisa ang Diyos sa ating paghihirap. Makatitiyak tayong may darating na kapayapaan sa ating buhay. Amen.