Daughters of Saint Paul

OCTOBER 23, 2020 – BIYERNES SA IKA-29 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 12:54-59

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit ngunit bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito? At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Divinia de Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ipinapaalala sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon na maging mapagmatyag. Ito rin ang laging ipinapahayag ni Blessed James Alberione, Founder ng Pauline Family, sa kanyang mga kasapi: “Be sensitive to the signs of the times.” Maging mapagmatyag sa mga pangyayari sa mundo at kilatisin ito. Ano nga kaya ang nais ipabatid ng Diyos sa atin, sa mga nangyayari sa ating paligid? Ano ang pangangailangan ng mga tao sa pagkakataong ito? Mahalaga na maunawaan natin kung ano ang mensahe ng Diyos sa bawa’t karanasan sa ating buhay. Siya ay nangungusap sa lahat nang panahon at pagkakataon. Idulog natin sa Diyos, maging ang mapait nating karanasan sa buhay, upang mapakinggan natin ang Kanyang mensahe. Ang pagiging sensitibo sa tinig ng Diyos, ang maghahatid sa atin, tungo sa kabanalan, sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Tunay na buhay ang Diyos sa mga taong may mabuting kalooban at patuloy na naglilingkod sa kapwa.// Mga kapatid, damhin natin ang presensya ng Diyos, sa lahat nang pagkakataon. Buksan natin ang ating puso at diwa, damhin ang kanyang pag-ibig, lalo na sa panahon ng krisis, at sa mga pagkakataong nais nating itanong: “Nasaan nga ba ang Diyos?” Ang Diyos ay nasa mga taong ating nakakasalamuha, sa mga taong nagmamahal at humihingi ng kapatawaran, nasa isang pulubi, nasa taong sugatan at inaapi, nasa simbahan, sa Kanyang mga salita sa Biblia, sa mga sakramento, at higit sa lahat, Siya ay nasa bawa’t isa sa atin. Siya lamang ang ating kasiguruhan. Kilalanin natin Siya at tanggapin!  Amen.