Daughters of Saint Paul

OCTOBER 24, 2020 – SABADO SA IKA-29 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 13:1-9

Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyan kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, ngunit kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta s’ya upang maghanap ng mga bunga subalit wala s’yang nakita. Kaya sinabi n’ya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo ‘yan at pampasikip lamang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na s’ya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga s’ya, ngunit kung hindi’y saka mo s’ya putulin.’ ”

PAGNINILAY:

Mga kapatid, kapag nakakarinig tayo ng isang sakuna na ang biktima’y sa tingin natin isang makasalanan, kaagad nating sinasabi na “buti nga sa kanya” o “parusa iyan ng Diyos.”  Sa mga nag-iisip ng ganito, nais ko pong ipaunawa sa inyo, na masama ang matuwa sa kasawiang-palad ng iba. At tandaan natin na kailanma’y, hindi nagpaparusa ang Panginoon. Puno Siya ng pag-ibig at pag-unawa at hindi Niya magagawang parusahan ang Kanyang mga minamahal na anak.  Kung may mga pangyayari man sa ating buhay na hindi maganda, katulad ng pandemyang ating pinagdadaanan, marahil bunga ito ng ating mga kapabayaan at pang-aabuso sa kalikasan.  Halimbawa ang mga pagbaha at pagguho ng lupang ating nararanasan, dulot ito ng pagpuputol ng mga puno at pagmimina sa mga kagubatan. Binabaha ang kamaynilaan dahil sa mga baradong esterong dulot ng walang disiplinang pagtatapon ng mga basura kahit saan-saan. Ginagawa ring subdivision ang mga dating palayan; at ang mga usok na lumalabas sa sasakyan at pabrika, na nagiging sanhi ng pagbabago ng klima. Ganun din ang maraming sakit na dinaranas ng mga tao sa kasalukuyan, sanhi ng mga bisyo at pag-aabuso ng katawan.  Kaya huwag natin sisisihin ang Diyos sa mga sakuna at sakit na ating nararanasan, dahil hindi ito galing sa Kanya. Mga kapatid, hindi pa huli ang lahat. May pag-asa pa tayong baguhin ang takbo ng ating buhay kung gugustuhin natin at sa tulong na rin ng Panginoong Diyos. Amen.