EBANGHELYO: Lk 6:12-16
Umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang mag-uumaga na, tinawag n’ya ang mga alagad at pumili s’ya ng labindalawa sa kanila na tinawag n’yang apostol: Si Simon na pinangalanan n’yang Pedro, si Andres na kapatid nito: si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Nagdarasal ka rin ba muna bago gumawa ng isang mahalagang desisyon sa buhay? Isinasangguni mo ba sa Diyos ang iyong mga plano? Mga kapanalig, sa ating Mabuting Balita ngayon sinasabing, buong magdamag na nanalangin si Jesus sa bundok at kinaumagahan, pumili siya ng labindalawang alagad na tinawag niyang apostol. In Biblical terms, a mountain is a place of encounter with the divine. Moses encountered God at Mt. Sinai. Sa bundok na ito ibinigay ng Diyos kay Moises ang Ten Commandments. Naniniwala ako, na sa magdamag na inilagi ni Jesus sa bundok, kausap nya ang Diyos Ama, humihingi ng gabay sa pagpili ng kanyang mga magiging katuwang sa misyon. Kasama sa kanyang mga pinili na maging apostol sina San Simon na mapagmalasakit at San Judas na pinsan ng ating Panginoon na ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ngayon. Hindi man perfecto ang mga napili ni Jesus, tiyak namang may naiambag silang lahat sa kasaysayan ng ating kaligtasan at katuparan ng misyon ni Jesus dito sa lupa. Mga kapanalig, maraming beses din na dinaan ko sa dasal ang pagpili at paggawa ng mahahalagang desisyon sa aking buhay. Kasama rito ang desisyon kong magturo, magmadre, magpatawad, magpakumbaba at maging sa pagpili ng taong lalapitan kung kailangan ko ng tulong. Minsan may mga pagkakataong mahirap magdesisyon at lalong nagiging mahirap kapag kailangan kong timbangin ang mga bagay-bagay. Madali lang sana kung sarili ko lang ang iisipin ko kaya lang hindi eh. Sa maraming beses kailangang isaalang-alang ang opinion at damdamin ibang tao. Sa tulong ng dasal at ng Banal na Espiritong gumagabay, nakagagawa rin ako ng mga desisyong nakaka-pagdulot ng galak at kapayapaan sa aking puso at kalooban. Amen.