Daughters of Saint Paul

Oktubre 1, 2016 SABADO Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon / Santa Teresita de Jesus, dalaga at pantas ng Simbahan

Lk 10:17-24

Tuwang-tuwang nagbalik ang pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.”  Sinabi naman ni Jesus:  “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si satanas mula sa langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil n’yo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo.  Ngunit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa langit ng inyong mga pangalan.”
        Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya:  “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit.  Oo, Ama naging kalugud-lugod ito sa inyo.  Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat.  Walang nakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
        Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila ng sarilinan:  “Mapalad ang mga matang nakakakita ang inyong nakikita.  Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”

REFLECTION

May kuwento na noong maliit na bata pa lamang si Santa Teresita, sinasabing habang kalung-kalong siya ng kanyang ina, nakakita siya ng letrang “T” sa mga ulap.  Ang sabi niya sa kanyang ina:  “Inay, tingnan po ninyo at nakasulat po ang aking pangalan sa Langit.”  Bata pa lamang si Santa Teresita, nakatuon na sa Diyos sa Langit ang kanyang paningin.  Kaya naging panuntunan niya sa buhay ang “Little Way”, sa wikang Ingles.  Anumang maliliit na gawain na kanyang ginagampanan araw-araw, tinutupad niya ito nang buong pagmamahal, alang-alang sa kanyang pag-ibig sa Panginoong Jesus.  Mga kapatid, ito rin ang pang-araw-araw na panawagan sa atin bilang mga binyagang Kristiyano.  Na sa bawat gawain at tungkuling ating gagampanan, tupdin natin ito nang buong pagmamahal alang-alang sa ating pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.  Nang sa gayon, magiging makabuluhan ang ating pagsisikap. At hindi rin tayo mapapagod sa paggawa ng mabuti, dahil may Langit na naghihintay pagkatapos ng maikling buhay na pinahiram ng Diyos sa atin. Sa tulong panalangin ni Santa Teresita, hillingin nating makatugon sa panawagang ito.