Daughters of Saint Paul

Oktubre 2, 2016 LINGGO Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon

Lk 17:5-10

Sinabi ng mga Apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.”  Sumagot ang Panginoon:  “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n'yo sa punong malaigos na iyan: “Mabunot ka at sa dagat ka matanim, 'at susundin kayo nito.
 “Ipagpalagay na may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo.  Anong sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya:  'Halika na't dumulog sa hapag'?  Sa halip ay sasabihin niya: 'Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka't pagsilbihan ako habang kumakain ako't umiinom, at saka ka na kumain at uminom.'  Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo.  Pagkagawa n'yo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin n'yo:  “Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.'”

REFLECTION

Likas na sa atin ang kasabihang “to see is to believe”.   Bago tayo maniwala sa isang bagay – naghahanap muna tayo ng mga patunay, kung saan ito nagmula o nanggaling. Katulad na lamang ng ating pananampalatayang Kristiyano-Katoliko, marami sa atin ang nagtatanong kung saan ito nagmula? At para magkaroon tayo ng komprehensibong kasagutan sa ating katanungan, makabubuting sangguniin natin ang sinasabi sa Katesismo para sa mga Filipinong Katoliko.  Pero higit sa personal na pag-aaral– makabubuting pakinggan natin ang sinabi ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon, na kung may pananampalataya tayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi natin sa puno ng malaigos na mabunot ito at matanim sa dagat.  Tila imposible, dahil mahahaba ang mga ugat ng punong malaigos at hindi madaling bunutin. Mga kapatid, sa buhay natin marami din tayong minimithing tila imposible mangyari.  Katulad na lamang ng hangarin nating pagbabago sa ating bansa.  Ang maging drug-free nation at masugpo ang korupsiyon na maituturing na cancer na ng lipunan. Tila imposibleng mangyari sa isang bansang kinain na ng sistema ng korupsyon at droga.  Pero kung magtitiwala tayo na kayang baguhin ng Diyos ang sistema ng korupsyon sa ating bansa at makikipagtulungan tayo sa maliliit o malalaking paraan man upang sugpuin ito– simula sa ating tahanan, pinagtatrabahuhan o komunidad na ating kinabibilangan –tiyak na magkakaroon ng katuparan ang ating inaasam-asam. Dahil ika nga ng kasabihan, “With God nothing is impossible”.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang mapuspos tayo ng pananampalataya at pag-asang walang imposible sa ating hangaring pagbabago kung sama-sama nating paninindigan ito.