LUCAS 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin niyo: “Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
PAGNINILAY
“Panginoon, turuan Mo akong magdasal.” Ang mapagpakumbabang kahilingang ito ng isa sa mga alagad, pagpapahayag ng mithiin na magkaroon ng malalim na pagkakaisa at pakikipag-ugnayan sa Diyos. Bilang tugon, itinuro ni Jesus sa kanila ang katangi-tanging panalangin, ang Ama Namin. Mga kapatid, sinasabing ang panalanging Ama Namin ang “buod ng Ebanghelyo.” Sa katunayan, si San Agustin mismo ang nagsabi: “Usisain ninyo ang lahat ng mga banal na panalangin ng Kasulatan at naniniwala ako na wala kayong matatagpuan na hindi napapaloob sa panalangin ng Panginoon. Sinasabing buod ng Ebanghelyo ang Panalangin ng Panginoon dahil una, ipinakikita nito ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos; at ikalawa, nakapaloob sa panalanging ito ang kakayahan ng taong magpakabuti, magmahal, magpatawad, at magbago sa tulong at awa ng Diyos. Sa ating pang-araw-araw na buhay, paano ba tayo nananalangin? Hindi sapat na saulado natin ang ating mga dinadasal. Sa halip, mahalagang buksan natin ang ating puso’t isip sa Diyos sa tuwing tayo’y nagdarasal. Dahil kapag kabisado na natin ang ating mga dinadasal, kadalasan nagiging mechanical na tayo at wala na sa loob ang ating mga sinasabi sa Diyos. Di na natin isinasaisip at isinasapuso ang ating mga sinasabi kaya nawawalan ito ng kabuluhan. At pagkatapos ng ating dasal, feeling natin, hindi tayo pinakinggan ng Diyos dahil tayo lang ang napagod sa kasasalita at di man lamang tayo naglaan ng panahong makinig sa Kanyang sasabihin sa kaibuturan ng ating puso. Mga kapatid, ang panalangin, taimtim na pakikipag-usap sa Diyos. At tulad ng ating mga nakagawiang pakikipag-usap, hindi lang tayo ang nagsasalita kundi naglalaan din tayo ng panahong makinig. Ganito ang gawin natin sa tuwing nakikipag-usap tayo sa Diyos. At tulad ng mungkahi ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon, taos-puso nating dasalin ang Ama Namin – dahil kumpleto na ang dasal na ito ng lahat nang dapat nating sabihin sa Diyos.
