Daughters of Saint Paul

Oktubre 10, 2017 Martes sa Ika-27 Linggo ng Taon

LUCAS 10:38-42

Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

PAGNINILAY

Pinatunayan sa atin ng Ebanghelyong ating narinig na ang pag-ibig sa Diyos, hindi lamang inihahayag sa paglilingkod. Nagmimistulang pilantropiya lamang ang paglilingkod kung hindi ito nalalakipan ng pakikinig at pagpapahayag ng Salita ng Diyos.  Ito ang mabuting halimbawa na ipinakikita sa atin ni Maria, ang kapatid ni Marta at Lazaro. Bagaman nararapat na maunang paglingkuran ni Maria ang Panginoon at ang iba pa nilang bisita, mas pinili ni Maria na makinig muna sa paanan ng Panginoon bago siya kumilos upang gumawa. Ipinakita niya sa atin na ang paglilingkod, walang saysay kung hindi ito nalalakipan ng Salita ng Diyos.  Suriin natin ang ating sarili. Ang paglilingkod ba natin sa kapwa, malinaw na tanda ng pagsasabuhay natin ng Salita ng Diyos?  Mahalaga ang pagtatalaban ng dalawang ito. Dahil ang paglilingkod na hindi ginagabayan ng Salita ng Diyos, maaaring maging bulag na pagsunod sa ipinag-uutos, maaaring magpahamak sa taong pinaglilingkuran, at pansariling interes lamang ang tunay na nag-uudyok.  Labis akong nalulungkot sa pahayag ng ilang mga pulis na sangkot sa war on drugs ng pamahalaan, na napatunayang nagkamali sa ginawang operasyon. “Napag-utusan lang po kami at ginagawa lamang namin ang aming tungkulin.” Ang tanong? Tungkulin ba ang pumatay, sa halip na magsagip ng buhay at maging daan ng pagbabago ng isang taong nagkamali?  Paano pa magbabago ang isang taong pinatay na?  Ito ang kahihinatnan, kapag ang paglilingkod hiwalay sa Diyos, o hindi nagagabayan ng Salita ng Diyos.  Mga kapatid, sama-sama nating ipagdasal ang mahal nating bansang Pilipinas, na sana matapos na ang pagdanak ng dugo.  Tunay na nakapanghihina na at nakakawala na ng pag-asa ang nagaganap na patayan sa ating bansa.  Pero patuloy tayong umasa sa habag at walang hanggang pagkalinga ng Diyos… Manalig tayo na hindi Siya natutulog.  At matatapos din ang kadilimang ating nararanasan sa Kanyang takdang panahon. Ito ang ating samo’t dalangin.  Amen.