Daughters of Saint Paul

Oktubre 9, 2017 Lunes sa Ika-27 Linggo ng Taon

LUCAS 10:25-37

May tumindig na isang guro nang Batas para subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” Sumagot ang guro ng Batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Noo’y sinabi ni Jesus sa kanya: “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko.’” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Sagot ng guro: “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, ipinakikita sa atin ni Jesus, na ang tao mabubuhay ng ganap kung siya’y may pag-ibig.  Pinatunayan Niya sa atin na ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa – magkaisa at magkaugnay.  Dalawang katotohanan ang itinuturo sa atin ng Katesismo ng Iglesia Katolika tungkol sa pagkakaisa ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.  Una, hindi maaaring maparangalan ang isang tao na hindi ipinagbubunyi ang Diyos na lumikha sa kanya.  Pangalawa, hindi maaaring sambahin ang Diyos na hindi nakikita kung walang pag-ibig at pagrespeto sa tao na nilikha ayon sa larawan ng Diyos.  Sa buhay mo ngayon kapatid, paano ka nakatutugon sa panawagang ibigin ang Diyos sa pamamagitan ng iyong kapwa?  Panginoon, tulungan Mo po akong makita ang Iyong buhay na presensiya sa aking kapwa – masama man sila o mabuti.  Patatagin nawa ako ng paniniwalang nananahan Kayo sa puso ng bawat tao.  Alisin Mo po sa akin ang ugaling mapanhusga dahil ako din man, makasalanan din.  Amen.