Daughters of Saint Paul

Oktubre 8, 2017 Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon / Linggo ng mga Katutubong Pilipino

MATEO 21:33-43

Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: “Makinig kayo sa isa pang halimbawa; May isang may-ari ng bahay ng nagtanim ng ubasan…Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka…Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan.

“Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. “Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay.

Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka? Sinabi nila sa kanya: “…pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang kaparte sa anihan.”

At sumagot si Jesus: “Hindi n’yo ba nabasa sa kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang aking nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.”

 

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, nakakalungkot isipin na minsan ang tulong na iginagawad natin sa iba, siya pang pinagmumulan ng hidwaan at di-pagkakaunawaan.  Sa ganitong sitwasyon, mahalagang malaman ng bawat panig – ng tumutulong at tinutulungan na may kaakibat na resposibilidad ang pagtulong at pagtanggap nito.  Nang sa ganun, sila’y tunay na magkatuwang sa adhikaing mapabuti ang kalagayan ng bawat isa at maiwasan ang maling akala at di pagkakaunawaan ng bawat panig.  Sa buhay mo ngayon kapatid, naranasan mo na bang tumulong sa kapwa na sa halip na pasasalamat ang ganti ng taong iyong tinulungan – minasama pa ang ginawa mong pagtulong? Kinutya ka pa, hinamak at siniraan? Ganito ang ipinapahiwatig ng talinhagang ating narinig – ang nangyari sa Anak ng Diyos na sinugo para sa’ting kaligtasan.  Sa halip na magpasalamat tayo sa dakilang tanda ng pagmamahal ng Diyos Ama – pinatay natin ang Kanyang Anak.  Sa panahon natin ngayon, patuloy nating pinapatay ang Anak ng Diyos sa tuwing sumasang-ayon tayo o walang ginagawa para masawata ang kalakaran ng pagpatay na nagaganap sa ating lipunan.  Dahil ang bawat taong pinapatay, kapatid din natin kay Kristo, at katulad nating lahat pinag-alayan din ng Mahal na dugo ng Diyos.