Daughters of Saint Paul

Oktubre 7, 2017 Sabado sa Ika-26 na Linggo ng Taon / Paggunita sa Mahal na Birhen ng Rosaryo

LUCAS 10:17-24

Tuwang-tuwang nagbalik ang pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” Sinabi naman ni Jesus: “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa Langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil n’yo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. Ngunit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa Langit ang inyong mga pangalan.” Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama naging nakalugud-lugod ito sa inyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ng Anak at ang sinuman gustuhing pagbunyagan ng Anak.”         Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila ng sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ang inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”

PAGNINILAY:

Mula pa rin kay Sr. Rose ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Isang umaga, binate ko ang nakasakay ko sa traysikel at tinanong: “Miss, paano kita mapapasaya ngayon?”  Takang-taka siyang nagtanong, “Ano po?” Nagpaliwanag ako: “Kasi, nagmadre ako bilang tugon sa tawag ng Diyos at para maglingkod sa inyo. Pero hindi ko lubos na alam kung ano talaga ang kailangan nyo, kung ano ang magpapaligaya sa inyo. Pwede mo ba akong tulungan para malaman ko?”  Nag-isip siyang sumandali at hinawakan niya ang kamay ko. Habang magkadaop-palad kami, sumagot siya: “Sister, mabuti ang Diyos. Ginabayan niya ang aming pamilya at hindi niya kami pinabayaan.  Salamat po na kinausap nyo ako. Napakalaking biyaya na po iyon. Madalas po kasi, hindi naman kami pinapansin ng mga pari at madre. Parang ang layu-layo nila sa amin, at feeling ko, malayo din kami sa Diyos. Salamat po sa pakikipag-usap nyo sa akin. Ipinaalala nyong hindi pala kami nakakalimutan ng Diyos. Mahalaga din pala kami.” Nangingilid ang luhang nagpatuloy siya: “Pinasaya mo na ako, sister. Huwag mo lang kaming kalilimutang ipagdasal, ha? Salamat talaga!”  Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa langit ang inyong mga pangalan.”  Hindi natin kailangang gumawa ng dakilang bagay o mga milagro para magpatotoo sa Diyos. Hindi lang nakapagbigay ng kasiyahan ang simpleng tanong ko.   Nakapagpaalala rin ito na mayroon tayong mapagmahal na Ama, at lahat tayo’y mga anak niya na ang mga pangalan nasusulat sa langit.