Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 12, 2019 – SABADO SA IKA-27 LINGGO NG TAON | Mahal na Birhen ng Pilar

EBANGHELYO: LUCAS 11:27-28

Habang nagsasalita pa si Jesus, isang babae mula as sa maraming tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.”

PAGNINILAY:

“Mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.” Kapistahan ngayon ng Mahal na Birhen ng Pilar. Kung ating iisipin akmang-akma ang mga nabanggit na mga kataga sa buhay ni Maria. Kinikilala natin si Maria bilang babaeng bukod na pinagpala sa babaeng lahat. Pero ang pagiging mapalad niya, hindi lamang dahil sa siya’y ina ni Hesus. Mapalad siya hindi dahil sa siya’y pinaglihing walang kasalanang mana. Ang pagiging mapalad ni Maria’y makikita sa pagpapatunay niya sa kanyang buhay sa katotohanang sinabi ni Hesus: nakinig sa Salita ng Diyos si Maria at kailanma’y hindi sumuway sa kalooban ng Poong Maykapal. Bilang isang Hudyo si Maria’y nanatiling tapat at masunuring anak ni Yahweh. Siguro iniisip natin napaka walang-galang ni Hesus sa kanyang ina dahil ang mga salitang papuri ng babae sa Ebanghelyo ay mga salitang papuri para sa ina ni Hesus, si Maria. Sa kultura ng mga Hudyo sinasabing ang papuring natatanggap ng isang anak ay siya ring papuring matatanggap ng mga magulang. Ganun din kung anong ‘achievements’ ng isang anak ay siya ring ‘achievements’ ng mga magulang. Kaya huwag nating isipin na walang halaga ang ‘biological relationship’ ni Hesus kay Maria. Para kay Hesus ang kaganapan ng buhay at pagiging mapalad ay hindi nasusukat sa ‘biological or social origin’ bagkus sa pakikitungo natin sa Poong Maykapal. Para kay Hesus ang tunay na sukatan ng pagiging mapalad ay hindi ang anumang pribilehiyo na maaari nating matanggap. Katulad ni Maria, tayo ri’y magiging mapalad kung makikinig tayo sa Salita ng Diyos at sinusunod natin ito sa ating buhay. Si Maria ang modelo ng pagiging tunay na disipulo at sa araw na ito’y matuto sa kanya. Ang pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos ay mananatiling tanging pamantayan upang masabing tayo ay tunay na mapalad.  Kapanalig, gusto mo bang maging mapalad tulad ni Maria?  Matutong makinig sa Salita ng Diyos at isabuhay ito. Amen. (Rev. Fr. Brian Tayag, ssp)