Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 13, 2019 – IKA-28 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | Linggo ng Mga Katutubong Pilipino

EBANGHELYO: LUCAS 17:11-19

Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Jesus. “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang samaritano. Kaya sianbi ni Jesus: “Di ba’t sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi dayuhang ito?” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”

PAGNINILAY:

A grateful heart is a joyful heart. “Laging magpasalamat Edith, kapag may nagbigay sa iyo ng kahit na anong bagay o regalo.” Ito ang madalas na pangaral sa akin ng aking mga magulang noong maliit pa ako. Totoo naman po na masarap pakinggan ang salitang salamat o thank you. Isang “magic word” ang salitang salamat, na nagbubukas ng pinto ng mga biyaya. Hindi lamang mga materyal na bagay ang dapat nating ipagpasalamat. Ang biyaya ng buhay, pananampalataya, magandang kalusugan, maayos na samahan sa pamilya at magandang hanap buhay – ilan lamang ito sa mga bagay na dapat nating ipagpasalamat sa Diyos. Ang pagtanaw din ng utang na loob ay kakambal ng pasasalamat. Likas sa ating mga Pilipino ang tumanaw ng utang na loob. Kung marunong tayong magpasalamat, hindi lamang ang taong tumulong sa atin ang natutuwa, kung hindi nagkakaroon din tayo ng magandang damdamin. Kababaan din ng loob na maituturing ang magpasalamat. Nagiging magaan ang takbo ng buhay ng mga taong marunong magpasalamat at tumanaw ng utang na loob. Dahil ngayong linggo ay linggo ng mga katutubo, nais ko silang pasalamatan dahil sa kanilang malaking ambag o bahagi sa ating mayamang kultura. Harinawang mabigyan sila ng proteksyon ng ating pamahalaan; igalang ang kanilang buhay at mayamang kultura. (Sr. Edith Ledda, fsp)       

PANALANGIN:

Panginoon, turuan mo po kaming laging magpasalamat sa lahat ng mga biyayang aming natatanggap sa araw-araw. Ingatan mo po kaming lahat at ang aming mga kapatid na katutubo. Nawa’y maligtas sila sa masama at pang-aapi ng mga kapitalistang dayuhan. Amen.