Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 14, 2019 – LUNES SA IKA-28 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 11:29-32

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon; at dito’y may mas dakila pa kaysa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa sa Jonas.”

PAGNINILAY:

Marahil marami ang makakarelate sa Ebanghelyo natin ngayon. Hindi ba’t ganito ang laman ng ating panalangin: “Lord, please, give me a sign kung tama ang desisyon ko sa buhay.” Sign o tanda. Yan ang laging kalakip sa ating mga panalangin kasi gusto nating makasiguro – sigurista kasi tayo. Pero paano kung walang tandang ibibigay ang Diyos sa atin?  Para sa mga taga-Nineve, si Jonas ang ipinadala ng Diyos upang himukin ang mga ito para magsisi sa kanilang kasalanan. Kaya naman, dahil sa pangangaral ni Jonas, ang mga taga-Nineve ay naligtas sa tiyak na kaparusahan at kapahamakan. Si Hesus ang dakilang tanda na ipinadala ng Diyos upang himukin ang lahat ng tao na talikdan ang kasalanan at magsimulang magbalik-loob sa Diyos. Sa kabila nang napakaraming himalang ginawa ni Hesus para sa mga kababayan niya nanatili pa ring bulag at bingi ang mga tao sa kanyang panawagan na magsisi. Kasi hindi nila mawari na ang isang anak ni Jose na karpintero at ni Maria ay anak ng Diyos na nagkatawang-tao. Mga kapanalig, bilang mga alagad ni Kristo, huwag tayong maging bulag at bingi sa mga tandang ibinibigay sa atin ni Hesus. Siya ang laging nangungusap sa atin sa tulong ng mga tanda ng ating pananampalataya. Ito ang mga tandang ibinigay sa atin ni Hesus, ang mga Sakramento, ang Bibliya, ang Simbahan, at ang bawat karanasan natin sa buhay na kung saan gumagalaw ang Panginoon upang tayo’y tulungan. Si Hesus ang tanda ng pagliligtas ng Poong Maykapal, gayundin naman maging tanda nawa tayo ng pagmamahal sa ating kapwa. Amen.(Rev. Fr. Brian Tayag, SSP)