EBANGHELYO: LUCAS 11:47-54
Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa Mga Propetang pinatay ng inyong mga ama. Gayon n’yo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang Mga Propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon. (Sinabi rin ng karunungan ng Diyos:) Nagsusugo ako sa kanila ng Mga Propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. “Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinahadlangan n’yo pa ang mga may gustong makapasok.” Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na nakipagtalo sa kanya. Pinagpagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.
PAGNINILAY:
“Ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.” May recall ba? Sino sa atin ang may kakilala o mismong kamag-anak na nagbuwis ng buhay dahil “may alam sila”. Kaalaman na hindi dapat ibunyag dahil magdedelikado ang madadawit. Kaya, nililigpit na nila ang nakakilala sa kanila, at may witness sa kanilang masamang ginawa. Ang hindi nila alam may pananagutan na kaabibat ang pag-kitil ng buhay ng kapwa. Ano ang good news dito? Ang magandang balita ay ang karunungan ng Diyos na bumabalot sa lahat ng mga nagdusa, sa mga binawian na ng buhay, sa mga ipinagkait na tuwa sa pamilya na naulila. Ito ang “susi ng kaalaman”. Mayroon at mayroon na magsasakripisyo para mapatunayan na ang Diyos, buhay-forever. Alam na alam niya ang mangyayari bago pa natin ito malaman. Kaya dumadaloy ang karunungan Niya sa mga taong masunurin sa kalooban ng Diyos. May mga Obispo, mga pari, madre, layko, at baka ikaw rin, nagawa mo nang ipagtanggol ang mga mahihina, ang mga nawalan ng inaasahang ama o anak. Baka ikaw rin, hindi ka matahimik sa katiwalian at korupsyon ng puso ng di mabilang na mga pinuno at ipinahahayag mo ang katotohanan sa social media. Wala kang takot na itama ang mali. Dahil dito, kasama ka na sa kumpol ng susi ng kaalaman. Ang Diyos ng Karunungan ang magbibigay sa iyo ng nararapat na kapayapaan. (Sr. Gemmaria de la Cruz, fsp)