Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 18, 2019 – BIYERNES SA IKA-28 LINGGO NG TAON | Kapistahan ni San Lucas, ebanghelista

EBANGHELYO: LUCAS 10:1-9

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kokonti naman ang mga manggagawa; idalangin niyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga mangagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag niyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay.             Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin niyo rin ang mga maysakit doon at sabihin sa kanila: “Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’”

PAGNINILAY:

Sa araw ng ito, binibigyang pugay natin ang kadakilaan ni San Lukas, Ebangelista, manggagamot at may akda nang Ebanghelyong nakapangalan sa kanya. Ang narinig nating Ebanghelyo ngayon, na mula mismo kay San Lukas, ay patungkol sa pagpili at pagsusugo ni Hesus sa pitumpu’t dalawang alagad.  Binigyan niya sila ng tagubilin o (missionary instruction) patungkol sa kanilang nararapat na gawin, lalong lalo na sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Hindi nga madali ang susuungin nilang misyon! Nariyan ang hirap at hamon sa gitna ng kanilang gawain. Tinuring silang tagapag-ani ng Panginoon, na ang pangunahing layunin ay ang pagbuklurin at hikayatin ang mga tao, tungo sa pagmamahal sa Salita ng Diyos at Pagkilala sa Kanya. Isang malaking hamon sa mga alagad kung paano nila isasakatuparan ang tagubilin ni Hesus sa kanila. Pero, wala silang dapat ikabahala! dahil ang kanilang lakas at gabay ay ang salita ng Panginoong Hesus mismo. Mga kapatid, matuto nawa tayong kumapit sa mga tagubilin at aral ng Panginoong Hesus sa lahat ng panahon at pagkakataon sa ating buhay. Sa oras ng kasiyahan o kalungkutan, sa oras ng kasaganaan o pangangailangan – dahil kapag ang Diyos ang ating kinapitan, walang problemang di natin malalagpasan. Tiyak ‘yun! Manalig tayo sa Kanya.  San Lukas, Ebanghelista, ipanalangin mo kami. (Rev. Fr. Joe-nelo Penino, Archdiocese of Caceres)