Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 19, 2019 – SABADO SA IKA-28 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 12:8-12

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos. Patatawarin ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ngunit hindi patatawarin ang lumait sa Espiritu Santo. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga makapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”

PAGNINILAY:

Magtiwala sa Diyos sa lahat ng bagay; umasa ng tulong at habag sa Diyos; ibulong ang lahat ng hirap at sakit sa Diyos; dahil ang Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo, laging handang tumulong, gumabay at magbigay lakas na akayin tayo sa kabanalan. Isang karanasan ang hindi ko malilimutan noong Junior professed pa lamang ako. Sa aming community sa Lipa, naka sched kaming magbigay ng recollection sa aming mga kaibigan at benefactors. Hindi nakarating sa tamang oras ang aming inimbitahan na pari. Dahil gusto ng aming superiora na simulan ang recollection kahit wala pa ang pari, ako ang bigla niyang sinabihan na magbigay ng talk. Nagulat po ako! At halos gusto kung tumanggi, dahil sampung minuto na lamang at magsisimula na ang oras ng recollection. At dahil naisip ko din na sayang ang oras, kung maghihintay ang mga bisita namin, dali-dali akong kumuha ng Biblia at umakyat sa aming prayer room. At doon, humingi ako ng gabay sa Espiritu Santo, na bigyan niya ako ng grasya na makapagbahagi ayon sa kanyang kalooban. Matapos ang ilang sandali ng pagninilay, dala ang aking munting papel na sinulatan ng mga bagay na nais kong ibahagi, pumunta na ako sa aming chapel. Salamat sa Diyos, naging maayos naman ang aking pagbabahagi. Noong matapos ang aking talk, at gumagawa ng kanilang pagninilay ang mga bisita, dumating ang pari at tinanong ako kung ano ang ibinigay kong talk, sabi ko ay tungkol sa kwento ng alibughang anak. Natuwa ang pari!  dahil iyon din pala, ang inihanda niyang talk. Tunay, na buhay ang Espiritu Santo.Ugaliin nating tumawag sa Espiritu Santo sa anumang ating pangangailangan.  (Sr. Edith Ledda, fsp)

PANALANGIN: 

Panginoon, sa oras ng kagipitan, pagsubok, paghihirap at maging kasayahan sa aming buhay, naniniwala po ako na lagi kang handang tumulong sa amin. Sa biyaya ng Espiritu Santo, turuan mo po kaming magtiwala, dahil ikaw lamang ang tanging aasahan namin sa bawat sandali ng aming buhay. Amen.