Daughters of Saint Paul

Oktubre 18, 2017 Miyerkules sa Ika-28 Linggo ng Taon / Kapistahan ni San Lukas, ebanghelista

LUCAS 10:1-9

Humirang ag Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan.  Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggawa; idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa gitna ng mga asong-gubat.  Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas.  At huwag n’yong batiin ang sinuman s daan.

Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin n’yo muna: Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan.  Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang iyong dasal.  At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod.  Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay.

Saanmang bahay kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin n’yo anumang ihain sa inyo.  Pagalingin n’yo rin ang mga maysakit Doon at sabihin sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’”

PAGNINILAY

Ang panawagang ipalaganap ang Mabuting Balita nagpapatuloy na hamon magpahanggang ngayon.  Sa ebanghelyong ating narinig, isinugo ni Jesus ang Kanyang mga alagad na mangaral sa lahat ng bansa.  Hindi nila narating ang lahat ng bansa; at maging tayo rin di natin marating ang lahat ng bansa sa kabila ng makabagong pamamaraan ng komunikasyon.   Milyones pa ring mga tao ang hindi nakakapakinig ng Mabuting Balita, ang hindi nakakikilala sa Diyos.  Habang dumarami ang populasyon sa buong mundo, mas matindi ang pangangailangan ng mga magtatrabaho sa ubasan ng Diyos. Lalo pa’t talamak ang pang-aabuso at iresponsableng paggamit ng media at social media na nagpapakalat ng maling impormasyon, kalaswaan, karahasan at kultura ng kamatayan, lalo na sa internet.  Mga kapatid, bilang mga binyagang Kristiyano, nahaharap tayo sa napakalaking hamon sa kasalukuyan.  Hinahamon tayong maging buhay na saksi ng Kristiyanong pananampalataya.  Mga Kristiyanong sasalungat sa agos ng kasamaan, at matatag na maninindigan sa katotohanan.  Kapatid, ano ang tugon mo sa hamong ito sa’yo ng Panginoon?  Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya nang huwag akong padadala sa agos ng kasamaan sa kasalukuyan. Amen.