Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 20, 2019 – IKA-29 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: LUCAS 18:1-8

“Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob”—ito ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.’” Kaya dinagdag ng Panginoon: “Pakinggan n’yo ang sinabi ng di matuwid na hukom. Hindi ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila nag katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

PAGNINILAY:

Ngayong World Mission Sundaymay tatlong paalala sa atin bilang mga binyagan kay Kristo.  Una, kabahagi tayo ng misyon ng Inang Simbahan, at lahat tayo mga misyonero at misyonera, anuman ang estado natin sa buhay.  Ikawala, bilang kaisa sa tungkulin ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita, dapat tayong sumuporta sa pagsisikap ng Simbahan, lalo na sa misyong tinangap nito. Ikatlo, mag-alay ng panalangin para sa mga misyonero at misyonera na nagtalaga ng buhay sa pagpapalaganap ng pananampalataya sa iba’t ibang sulok nang mundo.  Narinig natin sa ebanghelyo, ang tema ng pagtitiyaga o (perseverance) sa pananampalataya at pagiging masisasig o (persistence) sa pananalangin.  Mga kapanalig, tinuturuan tayo ng Panginoong Hesus, na anumang pagsubok ang kaharapin natin sa buhay – huwag tayong bibitiw, huwag tayong bibigay, huwag tayong panghihinaan ng loob, dahil nariyan lamang siya. Nais niya lamang tayong magsikap at ipakita ang pagtitiyaga sa ating pananampalataya at pagpupursigi sa ating panalangin. Ika nga, matuto tayong lambingin ang pinaka puso ng Diyos! Sa kabila ng dinaranas nating pagsubok sa buhay, huwag tayong sisigaw na hindi ko na kaya! O iiyak na lamang sa kawalan ng pag-asa.  Manalig tayo sa Diyos nang buong pagtitiwala at umasa sa Kanyang walang hanggang pagkalinga at awa.  Amen. (Rev. Fr. Joe-nelo Penino, Archdiocese of Caceres)