Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 21, 2019 – LUNES SA IKA-29 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 12:13-21

Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati n’yo? “At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, may marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”

PAGNINILAY:

Nai- treat mo na ba ang sarili mo? O kailan mo huling inilibre ang iyong sarili? Ang sarap ng feeling, di ba. Parang free na free ka. Ang tawag ko nga doon “happy high!”  Totoo na paminsan-minsan feel natin na magpa-hupa ng stress mula sa dami ng pinagkakaabalahan. Pero kakaibang usapan sa ikinuwento ni Jesus. Yung tao, dahil daw sa dami ng bigas, giniba ang kamalig, tapos nagtayo ng mas malaki para magkasya raw ang inani niya. At dahil madami na siyang stock, gusto na niyang magbakasyon, Yun bang pangmatagalan ang pagbibigay ng konsolasyon sa sarili. Kukuyakuyakoy pa! Ngayon, pagkatapos, ano?  Hindi ba mas maligaya na nai-sishare mo kung ano ang nasa iyo? Oo, may effort dahil gagastos ka sa naipon mo para bigyan ng pagkain ang nagugutom; gugugol ka ng oras para pakinggan ang sakit ng loob ng kasama mo. Pagkatapos, kakaibang lebel ng saya, di ba? Dahil kasama sa disenyo ng Diyos noong nilikha tayo, ang pag-boost ng “growth experience” kapag lumalabas tayo sa comfort zones natin.  Kaya sa susunod na mag-effort tayo para sa kapwa, may uusbong sa atin na buti. Lalaki pa yun at may tutubo pa na panibagong buti.  (Sr. Gemmaria de la Cruz, fsp)