Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 20, 2022 – HUWEBES SA IKA – 29 NA LINGGO NG TAON

Magandang buhay mga minamahal naming kapanalig! Purihin ang Diyos na patuloy na umiibig sa lahat – sa mga taong naghahanap, naliligaw at maging sa mga taong may matigas na puso. Ginugunita natin ngayon si San Pablo ng Krus, isang paring Italyanong umibig kay Kristo Jesus. Dahil sa higit niyang pag-ibig kay Kristo, Nakita ang nag-aalab na apoy mula sa kanyang dibdib at ang maliwanag niyang mukha. Biniyayaan siya ng kakayahang makapagbasa ng puso, makita ang hinaharap at makapagsalita gamit ang ibat-ibang wika, kapangyarihan laban sa demonyo, sakit, at mga elemento. Sa ating panahon ngayon, isang katotohanan na handa nating tanggapin na  makararanas tayo ng pagsalungat at pag-uusig dahil sa ating pagsisikap na isabuhay ang turo ng ating Panginoon. Ihanda natin ang ating puso at diwa sa Mabuting Balita ngayon.

EBANGHELYO: Lc 12:49-53

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala n’yo ba’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Pagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”

PAGNINILAY

Ang Ebanghelyo ay may kapangyarihang magkaisa tayo sa Diyos kapag tinanggap ito bilang Salita ng Katotohanan. Ngunit ang isa pang epekto ay ang paghihiwalay nito sa atin sa pagtanggi sa ebanghelyo ng Katotohanan. Nais ng ating kultura ngayon na ikalat ang isang ideya na kung ano ang mabuti at totoo para sa akin ay maaaring hindi mabuti at totoo para sa iyo. Ngunit hindi iyon ang Katotohanan! Ito ang tinatawag nating relativism. Kung iba ang totoo sa iyo at iba ang totoo sa akin, tayo ay nanganganib ng pagkakahati-hati, kahit na sa ating mga pamilya. Sa ating lipunan ngayon, hati hati tayo dahil magkakaiba ang ating pinaniniwalaan. Ito ay malungkot at ito ay masakit. Kung ang pagkakahati ay nangyayari bilang resulta ng ating kasalanan, tunay itong hindi maganda. Kung ito ay nangyari bilang resulta ng Katotohanan, ito ang pagsunod kay Jesus. Si Hesus ay tinanggihan at hindi tayo dapat magtaka kung ganoon din ang mangyayari sa atin. Manalangin tayo para sa pagkakaisa kay Kristo, ngunit huwag maging handang makipagkompromiso upang magdulot ng huwad na pagkakaisa or false unity.