Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 21, 2022 – BIYERNES SA IKA – 29 NA LINGGO NG TAON

Magandang buhay mga minamahal kong kapatid kay Kristo! Ako si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.  Purihin ang Diyos sa panibagong buhay na  ibinigay Niya sa atin.  Nawa’y ang salita ni Jesus ay maging gabay natin at hilingin natin sa Diyos na magtiwala at manalig sa kanya ng tayo’y patuloy na makiisa at makisalo  sa biyayang kaloob ng Mabuting Balita ngayon.

EBANGHELYO: Lc 12:54- 59

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita n’yong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad n’yong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi n’yong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan n’yo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit pero bakit hindi n’yo sinusuri kung ano ang panahong ito? At ba’t hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-huling sentimo.”

PAGNINILAY

Bakit Baliktad Magbasa ang mga Pilipino? Ito po ang pamagat ng isa sa mga libro ni Bob Ong. Siyempre hindi naman talaga literal na tungkol sa baliktad na pagbabasa ang librong ito. Isa sa mga paksa ng libro ay ang kaugalian nating mga Piliino na kung saan ang ginagawa natin ay kabaligtaran ng ating binabasa, ang kasalungat ng dapat. Gaya na lamang ng pagtawid sa maling tawiran kahit na may malaking karatula na nagsasabi, “Bawal Tumawid, Meron ng Namatay” ay tatawid pa rin talaga. “No Parking” ay meron parin talagang magpaparada. Baliktad, dahil ginagawa ang kabaliktaran ng dapat. Sa kanyang mga pangangaral, sinasabi palagi ni Jesus na dapat panibaguhin natin ang ating puso, pero marami parin sa mga nakikinig, ay kabaligtaran ang ginagawa. Kaya imbes na mapalapit sa Diyos ay mas lalong napapalayo ang kanilang mga puso. Ginagawa mo ba ang dapat? O isa ka din sa mga baliktad magbasa?