Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 22, 2022 –SABADO SA IKA – 29 NA LINGGO NG TAON

Maligayang araw ng Sabado sa inyo mga kapanalig! Ako si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Ginugunita ng Pamilyang Paolino ang  pagkakahirang kay Padre Timoteo Giaccardo ng Society of St Paul, bilang isang Beato. Pasalamatan natin ang Banal na ito at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating makatugon tayo sa panawagan ng Panginoong baguhin ang sarili at magbalik-loob sa kanya. Ating nang pagnilayan ang Mabuting Balita ngayon.

EBANGHELYO: Lc 13: 1-9

Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Hesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Hesus sa kanila: “Sa akala n’yo ba’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga –Gakilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At  sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. “Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala n’yo ba’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: Hindi, pero kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Hesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya para maghanap ng mga bunga pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nag aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya pero kung hindi’y saka mo siya putulin.

PAGNINILAY

“Putulin mo na iyang punong igos na hindi namumunga,” sabi ng may-ari. Nakiusap ang gardener: “Pabayaan mo na siya sa taong ito, huhukayan ko siya sa paligid at lalagyan ko ng pataba. Baka sakaling sa taong darating ay mamunga na; kung hindi naman ay ipaputol mo na.”Kapanalig, naranasan mo na bang humingi ng “second chance” sa Panginoon?  Noong nagkasakit ka nang malubha,  noong meron kang mabigat na problema,  noong gusto mong magbago ngunit addicted ka sa isang bagay, o tao na nagdadala sa iyo sa kasalanan, o noong meron kang  project na hindi mo makayang tapusin sa deadline na ibinigay sa iyo? Sa ebanghelyong ating narinig, hindi ang punong igos na nakatakdang putulin ang humingi ng second chance, kundi ang maawaing gardener. Sa ating buhay siya ay walang iba kundi ang Panginoong Jesus na laging nakaharap sa Ama at nakikiusap na bigyan tayo ng second, third, and endless chances.  Ang punong igos ay walang kaalam-alam na binigyan siya ng second chance ng kanyang gardener. Kaya hindi siya nagpasalamat. Tayo rin, hindi natin namamalayan kung ilang beses na sana tayong dapat namatay.  Ngunit si Jesus, na ating butihing gardener na nakakaalam na hindi pa tayo namumunga sa buhay espiritwal ang siyang humingi sa Ama ng second chance para sa atin.  Ilang beses na kaya? Pukawin natin sa alaala ang mga  pangyayari sa ating buhay  na muntik na nating ikamatay. Hindi pa tayo handa.  Ang ating Divine Gardener ang nakiusap sa Ama at ngayon ay pinagyayaman niya tayo upang mamunga ng kabanalan. Sadyang gayon kalalim ang pagmamahal ni Jesus sa atin! Pasalamatan natin Siya, sa many chances na ibinigay sa atin na hindi natin napansin o namalayan.  It’s thank- you time!Napakagandang  isipin na sa ating pagsisikap na magbago ay hindi tayo ang lead character kundi si Divine Gardener. Siya ang naghuhukay at naglalagay ng pataba. Paghuhukay – purification.  Paglalagay ng pataba – pagbibigay ng mga grasya. Yakapin natin ang second chance nang may pagpapasalamat at pagpapakumbaba. Baka ito na ang ating last second chance.  Salamat, Panginoong Jesus!