EBANGHELYO: LUCAS 12:39-48
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Isipin n’yo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi n’yo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya pero gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”
PAGNINILAY:
Bata pa ako noon, at ako ang naka assign sa paglilinis ng kusina. Naalaala ko na meron kaming malaking cabinet na may nakatagong magagandang kutsara at tinidor, plato at baso, at marami pang iba. Minsan, inilabas ko ang mga ito para gamitin sa aming tanghalian. Nakita ako ng aking ina, sabay sabi: Anak, “Ginagamit lamang ang mga iyan, kapag piyesta, pasko, may espesyal na okasyon at pag may bisita. Baka maluma at mabasag ang mga iyan! Sige, ibalik mo na.” Napaisip ako: May panahon pala para gamitin ang mga ito; para lamang silang nakatunganga at naghihintay kung kailan sila kukunin.” Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na gamitin kung ano mang biyaya, talento, at kakayahan na natanggap natin. Hindi pana-panahon kundi araw-araw, lalong-lalo na kung kinakailangan. Para kapag dumating ang Diyos ano mang oras, hindi Niya tayo dadatnang nakatunganga kundi may ginagawa. (Rev. Fr. Ramil Tapang, ssp)
PANALANGIN:
Panginoon, huwag ko nawang sasayangin ang mga biyaya, talento at kakayahang ipinagkaloob Mo sa akin. Gamitin ko nawa ito sa paglilingkod sa aking kapwa para Sa’yong kapurihan. Amen.
