Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 24, 2019 – HUWEBES SA IKA-29 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 12:49-53

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala n’yo ba’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Pagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”

PAGNINILAY:

Noong ipinanganak ang Panginoong Jesus, ipinahayag ng Anghel na Siya ang Hari ng Kapayapaan. Maaalalang sa maraming pagkakataon sa Ebanghelyo, lagi Niyang ipinagkakaloob ang kapayapaan sa Kanyang mga alagad at sa mga taong nakikinig sa Kanya.  Pero sa Ebanghelyo ngayon, tila taliwas ang sinabi ng Panginoon –  Paghihiwa-hiwalay at pagkakahati-hati ang Kanyang hatid.  Mga kapanalig, huwag nating masamain ang sinabing ito ng Panginoon. Dahil ang ibig Niyang sabihin dito, paghihiwalayin Niya ang kadiliman at liwanag, ang kasalanan at kabutihan.  Ang kapayapaang nagmumula sa Panginoong Jesus, hindi papatay-patay at hindi madali. Kailangang panindigan natin ang ating pananampalataya sa kabila ng mga pagsalungat ng mga hindi naniniwala, maging sila ma’y ating pamilya o kaibigan.  Kung tunay nating mahal ang Panginoon at handa tayong sumunod sa Kanya, asahan natin na kung anuman ang sinapit Niya, ganoon din ang mangyayari sa atin.  Maaaring hindi tayo ipako sa Krus.  Pero sa iba’t ibang paraan ng pag-uusig mula sa tumatangging tanggapin ang Panginoong Jesus at ang Kanyang mga turo – tayo’y nakikiisa na rin sa paghihirap ng Panginoon. Halimbawa, ang pag-uusig na kinakaharap ng ilan nating mga Obispo, pari at layko na nakasuhan ng seditionkamakailan, dahil sa kanilang tahasang pagtuligsa sa mga pagpatay na nagaganap sa ating lipunan; sa kanilang pagtutol na isabatas ang death penalty, divorce bill, same-sex marriage at sogie bill, at iba pang mga batas na sumisiil sa karapatang pantao. Ang kanilang ipinaglalaban ay pawang turo ng Panginoong Diyos: Huwag papatay, huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos; tanging babae at lalaki lamang na nagmamahalan ang maaaring tumanggap ng Sakramento ng Kasal. At kapag buong tapang kang nagsalita at sumalungat sa di makatao at maka-kristiyanong kalakaran na umiiral sa lipunan, babansagan kang dilawan, maka-kaliwa at rebeldeng naghahangad na magpabagsak sa pamahalaan.  Sa kabila ng mga pag-uusig na ito, handa ka pa rin bang panindigan/ ang turo ng ating Panginoong Jesukristo?

PANALANGIN: 

Panginoon, tulungan mo po akong mapanindigan ang iyong turo sa kabila ng pagtakwil, pagtuligsa at pananakot na kakaharapin ko sa pagsabuhay nito.  Mapuspos nawa ako ng Iyong Banal na Espiritu na magpakatatag sa harap ng pag-uusig at pagyurak sa karapatang pantao.  Amen.