Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 25, 2019 – BIYERNES SA IKA-29 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 12:54-59

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita n’yong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad n’yong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi n’yong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan n’yo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit pero bakit hindi n’yo sinusuri kung ano ang panahong ito? At ba’t hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-huling sentimo.”

PAGNINILAY:

Napapaligiran tayo ng maraming tanda! Sumakay man tayo o maglakad, makikita natin sa ating dinadaanan ang iba’t ibang tanda: One-way, No left turn, No right turn, Bawal Magkalat, Bawal Dumaan, Dito ang Babaan at marami pang iba. Punong-puno tayo ng mga tanda!  Ang salita ay tanda din, dahil nagpapahiwatig ito ng gustong sabihin. Ang kilos na kahit walang salita ay tanda din. Halimbawa, ang paghimas ng tiyan at lukot na mukha, nagpapahiwatig ito na ika’y gutom. Tanda. Punong-puno at napapaligiran tayo ng mga tanda.  Sa Ebanghelyo ngayon, sinabi ni Jesus sa mga tao, na marunong silang magbasa ng tanda, “Nabibigyan n’yo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit, pero bakit hindi n’yo sinusuri kung ano ang panahong ito?” Sa kabila kasi ng kanilang talino, patuloy pa rin silang nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa pagkakakilanlan ni Jesus, bilang Primordial Sacramento kauna-unahang sacramental o tanda ng Diyos. Kaya naman, nag-aanyaya ito ng pakikinig at pagbabago. Mahirap talagang magbago kung sarado ang puso. Mahirap magbago kung mas pinapakinggan ang sarili at hindi ang Diyos. Mahirap talagang magbago kung nagbubulagbulagan at nagbibingihan sa kabila ng hayag na katotohanan. Mga kapanalig, ang ating simbahan ay punong-puno hindi lamang ng tanda, kundi ng sacramental na tanda upang tulungan tayong unawain ang Misteryo Paskwal, o ang paglilitas na ginagagawa ng Diyos. Binibigyan ba natin ng pansin ang mga tanda na nakikita, nararamdaman, naaamoy at naririnig sa ating simbahan? Tulad ng tubig sa binyag, ang pagkukrus sa bawat simula ng dasal, ang katawan at dugo ni Jesus sa sacramental na anyo ng tinapay at alak at marami pang iba… Tandaan natin, mahalaga ang mga tanda at sana magkaroon tayo ng maganda at tamang disposisyon upang lalo nating maramdaman at matugunan ang kaligtasang hatid ng Panginoon. (Rev. Fr. Ramil Tapang, ssp)