EBANGHELYO: LUCAS 13:1-9
Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinasabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala n’yo ba’y mas makasalanan ang taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ang tore sa Siloe, sa akala n’yo ba’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, pero kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya para maghanap ng mga bunga pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya pero kung hindi’y saka mo siya putulin.’”
PAGNINILAY:
Kung alam natin na binibigyan pa tayo ng panibagong chance ni Lord para magbago katulad sa confession, kay gaan ng feeling, di ba? At least may pagkakataon tayong baguhin ang mga nakasanayan nating hindi tama. Hindi ba nilikha tayo para maging buo? Tulad ng bola: buong bilog, di ba? Ganyan tayo, hinuhugis hanggang maging buong-buo. Kung ginawa tayong bola. Maging bola ayon sa anyo at gamit natin. Naalala ko ang taga-supply namin ng kandila, lalaki siya pero mataas ang estrogen hormones niya. Eto yung steroid hormones na responsable sa karakteristikong pambababe. Kaya para siyang babaeng kumilos at pati magsalita. Marami siyang kaibigan dahil sinsero ang kalooban niya. Nagpatuloy siyang maging lalaki sa pisikal, pero pinaunlad niya sa kanyang sarili, ang pagkamalikhain na katangian ng babae. Kay ganda niyang gumawa ng kandila. Halimbawa siya ng isang bilog na bola. Nagpupursigi siya sa pagiging kung ano ang ginawa sa kanya ng Diyos. Lalaki pero may kaloobang babae. Pwede yun, di ba? Di mo na kailangang mag-ibang anyo pa. (Sr. Gemmaria de la Cruz, fsp)
