Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 23, 2022 – IKA – 30 NA LINGGO SA KARANIWANG PABAHON

Magandang buhay mga kapalig ko kay Kristo! Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa ika-tatlumpung Linggo sa karaniwang panahon ng ating liturhiya. Ngayon din ang Pandaigdigang Linggo ng Misyon. Ako si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Idalangin natin sa Diyos ang lahat ng misyonero nang pagkalooban sila ng Diyos ng matatag na pananampalataya upang makayanan  ang mga pagsubok na kinakaharap nila ng misyon, at lagi nawa silang iadya sa tukso at kapahamakan.Ipagpasalamat natin sa Dios ang kanyang awa sa atin. At sa kababaang loob ating hilingin sa Diyos na makikilala  nating lalo  ang ating mga sarili. Atin nang pakinggan ang Mabuting Balita ngayon.

EBANGHELYO: Lc 18:9-14

Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao-mga  magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ “Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ “Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”

PAGNINILAY

Dalawang tao ang pumunta sa templo para manalangin. Napakinggan natin na ang isa ay Pariseo, akala natin ang kanyang panalangin ay patungkol sa Diyos. Ngunit habang pinapakinggan natin ang Ebanghelyo, ito ay isa palang pagpupuri lamang sa kanyang sarili. Pinagmalaki niya sa Diyos na siya ay isang mabuting tao. Gumaganap siya sa mga tuntunin ng batas ng mga Hudyo. Nag-aayuno ng dalawang ulit isang lingo, nagbibigay ng ikapu sa lahat ng kanyang mga kinikita, at madalas manalangin . Sa kabila nun , tinutuya niya ang isang Publikano o taga-kolekta ng buwis. Sinabi ng Pariseo na hindi siya kagaya ng Publikanong yun. Nagmagaling na sa sarili, siniraan pa ang kapwa. Subalit sino ang kinalugdan ng Diyos. Ayon sa Ebanghelyo, mas nalugod ang Panginoon, sa taimtim na panalangin ng Publikano. NI hindi makalapit sa gitna ng templo. Hindi makapagmalaki sa sarili. Sa halip , nanduruon sa isang sulok. Nakatungo ang ulo. Ni hindi maitaas ang ulo, nahihiya sa kanyang buhay, sa kanyang mga kasalanan. Dinadagukan ang dibdib at sinasabing Panginoon, Kaawaan mo po ako dahil ako’y isang makasalanan. Huwag nating linlangin ang atin sarili. Kailanman , hindi masisiyahan ang Panginoon sa mag taong mapagmalaki. Lalong –lalu na sa mga taog nanghahamak sa kanilang kapwa. Tandaan po natin, tinawag tayo ng Panginoon para maging isang bayan niya. Ang Simbahan ng Diyos ay kinabibilangan ng mga taong nagsisikap maging banal. Ngunit habang nasa lupa ay nananatiling nagkakasala. Hindi po natin dapat husgahan, o tukuyin kung sino ang mabuti o sino ang masama. Sapagkat sa sarili mismo natin, Palaging magtatagisan ang masama at mabuti. Pero magandang balita po , narito ang Panginoon Inaabot tayo ng kanyang grasya. Ang mahalaga lamang isuko natin ang ating kasalanan, ang ating sarili sa kababaang loob. At hindi kailanman sa pagmamalaki at sa paghahambing sa ating sarili sa ating kapwa.