Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 24, 2022|LUNES SA IKA – 30 LINGGO NG TAON – SAN ANTONIO MARIA CLARET, OBISPO

Isang mabiyaya at puno ng pag-asang araw ng Lunes mga minamahal kong kapatid! Ako si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Ika-dalawampu’t apat ngayon ng Oktubre, Ginugunita natin si San Antonio Maria Claret na isang Obispo. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito at sa tulong ng kanyang panalangin, hingin natin ang kagalingan sa ating pisikal at espiritwal na karamdaman. Katulad ng pagpapagaling ni Jesus sa isang babaeng labinwalong taon nang alipin ng karamdaman na maririnig natin sa Ebanghelyo ngayon.

EBANGHELYO: Lc  13: 10-17

Nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na siyang may espiritung nagbibigay-sakit; nakakandakuba na siya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Jesus, tinawag siya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit”. Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang tuwid ang babae at nagpuri sa Diyos. Nagalit ang pangulo ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi niya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!” Sinagot siya ng Panginoon: “Mga mapagkunwari, hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na Anak ni Abraham na labinwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?” Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahanga-hangang ginagawa ni Jesus.

PAGNINILAY

Mga kapanalig, kahapon, araw ng Pahinga. Araw na kinikilala natin na  nagpahinga ang Diyos matapos likhain ang choicest creatures niya.  Bago siya nagpahinga, pinagpala Niya ang nilikha Niyang tao. Buhat sa pagiging kawangis, nagbahagi Siya ng Kanyang Banal na Hininga.  (Haaaah…paghinga ng malalim) Kaya sa rest day Niya, handog Niya iyon sa espesyal Niyang nilikha na simulang pangalagaan ang kanyang gift of creativity  at maipalaganap ang holy  breath of life. Lalo itong nabigyan ng kahulugan  sa Araw na muling nabuhay si Jesus. Nagsagawa ng maluwalhating hininga ang Diyos Ama sa pag-ihip kay Jesus mula sa libingan. Hindi ba bago Siya namatay sa Krus, inihabilin Niya sa Ama ang Kanyang hininga? Nagkaroon ng ibang lebel ang “paghinga” ng sangkatauhan dahil sa dulot Niyang panibagong paglilikha. Ngayong nagno-Nobena tayo sa pagdiriwang ng debosyon natin kay Jesus Maestro, ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay, kilalanin natin Siya bilang Banal na Hininga na nagdudulot ng pagpapanibago. Sa Linggo na Araw ng Pahinga, sa Kapistahan ng ating Jesus Maestro, ipasa-Banal na Hininga natin ang lahat.  Siya ang ikatlong persona, ang Banal na Espiritu.  Si Blessed James Alberione, inilaan Niya ang mga Araw ng Panginoon sa mahabang oras ng pananalangin at pagpapakasakit. Alam Niya na kulang pa ito, pero  sa kabila ng kanyang kahinaan,  pinuspos Siya ng hininga ng Diyos  para maging tapat at magpakatatag.  Habang naghahanda tayo sa  Kapistahan ni Jesus Maestro,  magpakumbaba sa pakikipag-ugnayan, magmagandang-loob sa sumugat ng ating kalooban. Sa tuwing napapabuntung-hininga tayo sa pagsisikap nating magpatawad at sa walang pagod na pagbibigay,   humuhugot tayo ng lakas mula sa kaibuturan. In the  innermost  part of our being there is the sacred breath of God. Sa paghugot natin ng ating hininga, hindi lang ito sigh of relief,  but a great breathe of  love and reverence to Him as our Way, our Truth and our Life.