Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 25, 2022 | MARTES SA IKA – 30 LINGGO NG KARANIWANG TAON

Isang mapayapang araw mga kapatid kay Kristo!  Si Sr. Amelyne ito ng Daughters of St. Paul. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyayang masilayan muli ang ganda ng panibagong araw na punong-puno ng Kanyang pagpapala at pag-asa. Sa ating Ebanghelyo ngayon , sinasabi ng ating mahal na Panginoon , kung may tiwala tayo sa Kanya gaya ng isang butil ng mustasa mangyayari ang ating hinaing at dasal na naayon sa kaniyang kalooban. Ating Pakinggan ang Mabuting Balita ngayon.

EBANGHELYO: Lc  13:18-21

Sinabi ni Jesus: “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, nagging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng Langit.” At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang Kaharian ng Diyos? Katulad ito ng Lebadura na kinuha ng isang babae at sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”

PAGNINILAY

Dahil sa ating Ebanghelyo, naalala ko yung slogan ng Pondong Pinoy. Ito yung pag-iipon ng 25 cents at kapag nakalikom na, siyang ibinibigay sa mga kapatid natin na nangangailangan. Ang sabi doon, kahit maliit basta’t malimit ay papuntang langit. Katulad ng pagsasalarawan ni Hesus sa Kaharian ng Diyos, nagdudulot ng malaking epekto ang maliliit na bagay na ating ginagawa sa buhay. Maaring itong isang desisyon, isang gawain o maliit na paraan ng pagtulong, subalit kung ginagawa natin ito ng may taos-pusong pagmamahal, tiyak natin na lalago ito at mamumunga. Katulad ng isang buto na lumalago o ng lebadura na nagpapalsa sa tinapay, ganun din hinhikayat ang ating pamumuhay. May isang kwento na minsan may lumapit kay Sta. Teresa ng Kalkuta. At sinabi ng taong ito, paano mo matutugunan ang napakalaking problema ng gutom at paghihirap sa mundo kung ikaw ay nag-iisa? Ang sagot ni Mother Theresa, “Simulan mo sa taong pinakamalapit sa iyo. Simulan mo sa isa.” Marahil sinasabi sa atin ni Hesus na matatagpuan o magaganap ang paghahari ng Diyos hindi sa mga grandiosong bagay kung ‘di sa maliliit at araw-araw nating pagsasabuhay ng Ebanghelyo. Ang maliliit na bagay at gawa na ito ang magdudulot ng malaking pagbabago sa ating buhay at sa buhay ng ating kapwa. Subalit huwag nating kalimutan na kasama ng ating paggawa ang grasya ng Diyos. Hindi dahil sa ating pagtatanim tumutubo ang binhi o sa ating kakayahan nakasalalay ang pag-alsa ng tinapay. Nakasalalay ito sa grasya ng Diyos na nagpapalago ng ating pagsusumikap. Kaya mgakaptid, magsumikap nawa tayo sa ating payak na pamamaraan upang tumugon sa pangangailangan ng ating kapwa. Walang maliit o malaking pagbibigay. Ang mahalaga ay ginagawa natin ito ng buong puso at may tapat na intension. At hayaan natin ang Diyos ang magpalago ng lahat ng ito.