Daughters of Saint Paul

Oktubre 24, 2017 Martes sa Ika-29 na Linggo ng Taon

LUCAS 12:35-38

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating niya’t pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!”

PAGNINILAY

Nais kong ibahagi sa inyo ang kwento, tungkol sa naging pag-uusap ni St. Thomas More at ang isa niyang kaibigang sugarol.  Pinagsabihan niya ito na itigil na ang kanyang bisyo at magbalik loob na sa Diyos. “Huwag kang mag-alala, lagi akong nananalo sa huli,” tugon ng sugarol. “Eh, kung ikaw nasa bingit ng kamatayan at wala ng oras para tawagin ang pari?” “Haharapin ko ang ganyang sitwasyon dahil lagi akong sinuswerte. Kung yan man ang mangyari sa akin, tatlong salita lamang ang sasabihin ko para maligtas: ‘Panginoon, patawarin ako’, at ako’y mapapatawad.”  Isang araw nang sila’y papauwi na, habang tumatawid sa tulay biglang natakot ang kanilang sinasakyang kabayo. Sa sobrang takot, napatayo ang kabayo ng sugarol, naihulog siya, at nauntog sa bato. Habang siya nakalutang sa ere, sinabi niya ang tatlong salita. “Anak ng demonyo!” sigaw niya at siya’y namatay.  Mga kapatid, anong aral ang mapupulot natin sa kuwentong ito.  Huwag na nating ipagpabukas ang anumang mabuting gawaing pwede na nating gawin ngayon.  Huwag na nating ipagpabukas ang paghingi ng tawad sa Diyos at makipagkasundo sa ating kaaway.  Huwag na nating ipagpabukas ang pagtulong sa kapwang naguguluhan at nawawalan na ng pag-asa sa buhay – baka maging huli ang lahat.  Ika nga sa wikang Ingles, “capture the now before it’s too late.”  Napapanahon ang panawagang ito para sa ating lahat na masyadong abala sa maraming bagay, pero nakakaligtaan kung ano ang mas mahalaga sa buhay.  Alalahanin nating di na kailanman babalik ang nasayang na panahon at pagkakataon.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang matuto tayong pahalagahan ang bawat oras na mabilis lumipas at gawin ang nararapat at kalugod-lugod sa Diyos.  Panginoon tulungan Mo po akong makatugon sa hamon ng Ebanghelyo na maging laging handa.  Amen.