Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 26, 2023 – HUWEBES SA IKA-29 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON 

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes ginigiliw kong kapatid ka kristo.  Purihin ang makapangyarihang Diyos sa patuloy na pagkakaloob sa atin ng pagkakataong lumago sa ating buhay pananamplataya.  (Sa panahon natin ngayon, isang katotohanang dapat nating tanggapin na kapag sinikap nating magpaka-kristiyano at maging tapat sa mga itinuturo ng Panginoong Hesukristo, tiyak na makararanas tayo ng mga pagsalungat at pag-uusig.)  Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na nating ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labindalawa, talata apatnapu’t siyam hanggang limampu’t tatlo.

EBANGHELYO: Lk 12:49-53

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala n’yo ba’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Pagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”

PAGNINILAY

Sa unang pandinig, tila hindi Mabuting Balita ang hatid ng ebanghelyo. Dahil sinabi ni Hesus na sa Kanyang pagdating, hindi kapayapaan ang Kanyang dala kundi pagkakahiwa-hiwalay, magkakahati-hati ang sambahayan: ang anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae, at biyenang babae laban sa manugang na babae.  Kung papansinin natin ang mga sambahayan ngayon – totoong nangyayari ang pagkakahati-hating ito.  Pero ito nga ba talaga ang hatid ng Panginoon sa atin, ang maghasik ng kaguluhan?  Mga kapatid, huwag nating gawing literal ang pag-unawa sa mga katagang binanggit ni Jesus. Sa halip dapat natin itong unawain na kapag sineryoso nating sundin ang Kanyang mga itinuturo, at mamuhay tayo nang naaayon sa Kanyang kalooban at pamantayan – siguradong maraming sasalungat at uusig sa atin, maging sa loob ng ating tahanan.  Halimbawa sa ugnayan ng pamilya, nagkakaroon ng mga pagkakahati-hati sa tuwing hindi magtugma ang prinsipyo at mga pinapahalagahan ng bawat miyembro. Lahat nag-aangkin na sila’y tama, walang gustong magparaya, walang gustong makinig. Ang resulta katakot-takot na away na minsan humahantong pa sa samaan ng loob at hiwalayan.  Gayundin ang nangyayari sa ugnayan ng ating Pamahalaan at Simbahan.  Maraming usapin sa lipunan na magkaiba ang paninindigan ng pamahalaan at Simbahan. Katulad ng pagpapahalaga sa buhay ng tao, ang mainit na usapin tungkol sa diborsyo, ang umiiral na human rights violations tulad ng red tagging, harassment of activists at journalists at marami pang iba.  Dahil hindi magtugma ang mga pinahahalagahan at priyoridad – nagdudulot ito ng tensiyon sa pagitan ng magkabilang panig. Mga kapatid, isang malaking hamon ito sa atin. Na sa kabila ng mga pagsalungat at pagkakahati-hating ating nararanasan, panghawakan natin ang turo ng Panginoon. Ito ang magsisilbing gabay natin na piliin ang tama at mabuti sa kabila ng magkakaibang paninindigan at pinahahalagahan sa ating lipunan.