BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa araw na ito ng Sabado, Ika-Dalawampu’t walo ng Oktubre, Kapistahan nina Apostol San Simon at San Judas Tadeo. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin hilingin nating matularan ang mga Apostol sa kanilang masigasig na pagsaksi sa Mabuting Balita. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang kuwento tungkol sa pagtawag ni Hesus sa Labindalawang alagad, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Anim, talata Labindalawa hanggang Labing-anim.
EBANGHELYO: Lk 6:12-16
Umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito: si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (“Sino ba naman ako?” takang-takang tanong ng isang dalagang mula sa isang mahirap na pamilya ng Tondo. “Sino ba naman ako para mapili ni Kristo na maging tagasunod niya? Hindi kaya siya nagkakamali lang?” Ito rin marahil ang naisip nila San Simon Makabayan at ni San Judas Tadeo noong tawagin sila ni Jesus upang maging mga apostol niya.) Ipinagdiriwang natin ang kapistahan nila ngayon. Kaunti lang ang mga detalyeng nalalaman tungkol sa kanila, pero sila ang pinakamalapit kay Hesus dahil sila’y mga pinsan niya. Nang humayo sila mula sa Jerusalem para ikalat ang Mabuting Balita ng Kaligtasan sa iba’t ibang dako ng mundo, nagkitang muli si San Judas at San Simon sa Persia. Magkasama silang nangaral tungkol kay Kristo at libu-libo ang sumampalataya; pero doon din sila parehong naging martir. Mga ordinaryong lalaki sina Simon at Judas na pinili ni Hesus mismo upang turuan ang iba tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Mauunawaan natin sa kanilang buhay na kahit na ang pinaka-karaniwang tao, maaaring maging mga banal kapag nagpasya silang sumunod kay Hesus. (Ang inyo pong lingkod ang dalagang-Tondong hindi makapaniwala sa tawag ni Kristo. Nanalangin, nag-lakas-loob, at sinubukang tumugon sa hamon ng bokasyon 40 years ago. Napakalaking privilege at biyaya na maibahagi sa inyo ang mabuting balita. Ikaw, kapatid, tinatawag ka ba ng Panginoon para sumunod sa kanya? Huwag mag-atubili. Kasama natin siya sa bawat hakbang ng ating buhay.
PANALANGIN
Panginoon, sa halimbawa at panalangin nina San Simon at San Judas, patuloy nawang lumago ang Simbahan sa pamamagitan ng pagdami ng mga taong naniniwala at sumusunod sa Iyo. Amen.