Daughters of Saint Paul

Oktubre 3, 2013 LUNES Ika-27 na Linggo ng Karaniwang Panahon / San Dionisio

Lk 10:25-37 

May tumindig na isang guro nang batas para subukin si Jesus.  Sinabi niya: “Guro ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Jesus:  “Ano ba ang nasusulat sa batas, at paano mo ito naiintindihan?”  Sumagot ang guro ng batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos ng buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip.  At nasusulat din naman:  Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 
Noo’y sinabi ni Jesus sa kanya: “Tama ang sagot mo.  Gawin mo ito at mabubuhay ka.”  Pero gustong mangatwiran ang guro ng batas kaya sinabi niya kay Jesus:  “At sino naman ang aking kapwa?”  Sinagot siya si Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan.  Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na.  Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan.  Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan.
“Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya.  Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan.  Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan.  Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko.’”
          At sinabi ni Jesus:  “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?”  Sagot ng guro:  “Ang nagdalang-habag sa kanya.”  Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”

REFLECTION

Mga kapatid, taglay ng Ebanghelyong ating narinig ang dalawang pinakamahagang utos ng Diyos – ang itinuturing na buod ng sampung utos: Mahalin ang Panginoong Diyos ng buong puso’t kaluluwa, ng buong lakas at pag-iisip, at mahalin ang kapwa gaya ng sarili.  Simple at madaling i-memorize.  Pero sa ating karanasan, alam nating hindi madaling isabuhay ang utos na ito ng Panginoon.  Kung susuriin natin ang ating relasyon sa Diyos at sa kapwa – naglalaan ba tayo ng sapat na panahon para makipag-ugnayan sa Diyos sa panalangin?  Dumadaloy ba sa ating kapwa ang mga biyaya at pagpapalang tinatanggap natin sa  panalangin?  Manalangin tayo.  Panginoon, makita nawa kita sa aking kapwa – lalo na sa mga taong mahirap mahalin at nagpapahirap sa aking damdamin.  Pagkalooban Mo po ako ng pusong mapagpatawad at  mapagpasensiya sa kahinaan ng aking kapwa.  At marapatin Mo pong makita ko Kayo sa bawat taong nakakasalamuha ko araw-araw, masama man sila o mabuti. Amen.